Natuklasan sa Germany ang unang Brazilian variant ng COVID-19

Screenshot mula sa Arirang News video
  • Na-detect sa Germany ang unang kaso ng Brazilian variant ng COVID-19
  • Bukod sa Brazilian variant, mayroon na rin sa Germany ng UK at South African variants ng novel coronavirus
  • Epektibo naman ang ipinatutupad na lockdown sa Germany kaya patuloy na bumababa ang bilang ng mga covid-19 cases doon

Na-detect ng Germany ang unang kaso nito ng bagong nadiskubreng Brazilian variant ng COVID-19, ayon sa regional health officials ng Hesse state.

Screenshot mula sa Arirang News video

Ibinahagi ni Hessian Social Affairs Minister Kai Klose sa mga mamamahayag na ang taong infected nito ay kauuwi lang galing sa Brazil at nakumpirma sa isinagawang laboratory tests noong Huwebes, January 21, na nahawahan ito ng bagong variant ng COVID-19.

Ayon kay Sandra Ciesek, sa sa mga tanyag na coronavirus experts sa Germany, dumating umano ang taong ito sa Frankfurt  Airport na walang sintomas, subalit matapos nitong sumailalim sa Polymerase Chain Reaction test ay nakumpirma na carrier siya ng COVID-19 variant na unang nakita sa Brazil. Isinailim din siya sa confirmatory test, ngunit wala pa ang resulta niyon.

Ayon sa mga eksperto mula sa Robert Koch Institute , ang Brazilian mutation ng coronavirus ay kahawig ng South African variant, na sinasabing mas nakahahawa kumpara sa orihinal na COVID-19 variant.

Samantala, lumitaw naman sa Britain ang ikatlong mutation ng virus na nakadagdag sa mga pangamba sa pandemya. Ikinatatakot ng mga scientists na lalong titindi ang outbreaks sa buong mundo dahil sa mga mas nakahahawang variants ng COVID-19.

German Chancellor Angela Merkel

Bukod sa Brazilian variant, nakapagtala rin ang Germany ng COVID-19 variants mula sa Britain at South Africa, pero agad naman umanong na-isolate ang mga infected ng mga ito kaya naiwasan ang pagkalat.

Ang Germany ay na sa ilalim ng lockdown simula pa noong December 2020 at tatagal iyon hanggang February 14, 2021. Tila epektibo naman ang lockdown dahil tuluy-tuloy na bumababa ang bilang ng mga COVID-19 infections sa bansa.

Loading…