P270-P300 price freeze sa karneng baboy nais ng DA matapos itong sumirit sa P450 per kilo

Imahe mula sa UNTV
  • Inirekomenda ng DA na magpatupad si Pangulong Duterte ng price freeze sa karneng baboy
  • Iminungkahi ng ahensya ang pinakamataas na presyong P270 per kilo para sa kasim at pigue at P300 per kilo naman para sa liempo o pork belly
  • Nais din ng DA na dagdagan ang mga pumapasok na imported pork
  • Inalmahan ng SINAG ang proposal ng DA

Inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) kay Pangulong Rodrigo Dutrte na magpatupad ng P270 hanggang 300 price freeze para sa bawat kilo ng karneng baboy matapos sumirit ang presyo nito sa P450 per kilo sa ilang pamilihan.

Imahe mula sa DA

Iminungkahi ng DA na idaaan sa pamamagitan ng executive order ang price freeze. Inirekomenda rin ng ahensya ang pagpasok ng mga imported pork.

Ang proposal ni DA Secretary William Dar ay price ceiling na P270 per kilo para sa kasim at pigue at P300 per kilo naman para sa liempo o pork belly.

Sa pamamagitan umano ng price freeze order ay mapipigilan ang mga oportunistang mga negosyante na nagmamanipula sa presyo ng mga basic commodities. Umaasa si Sec. Dar na lalagdaan ni Pangulong Duterte ang executive order.

Ang pagsirit ng presyo ng karneng baboy ay isinisisi sa pananalasa ng African swine fever o ASF.

Bukod sa presyo ng baboy, nais din ng DA na makontrol ang presyo ng manok na umaabot na sa P200 kada kilo.

Imahe mula sa DA

Samantala, kinuwestyon ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG ang proposal ng DA. Sabi nito, lalo lang mahihirapan ang hog industry sa nais mangyari ng ahensya.

“Hindi na nga natulungan ang industriya sa gitna ng pananalanta ng African swine fever, pahihirapan pa kami ngayon at ang mga pork importers pa ang gustong isa-subsidize,” reklamo ni SINAG president Rosendo So.

Imahe mula sa Pilipino Mirror

“Baka wala nang dumating na baboy at manok sa Metro Manila. O baka gusto nila puro import na lang talaga, given the proposal to triple the MAV allocation? Bakit ang laging unang tinutulungan ay importers sa pagbaba ng taripa,” sabi pa ni So.

Ang MAV o minimum access volume na tinutukoy ni So ay ang papayagang bilang ng pork imports na may mababang taripa o buwis na ipinapataw sa mga imported goods. Nais ng DA na gawin itong 162,000 metric tons mula sa dating 54,000 tons.

Loading…