Pabirong “mensahe” ng netizen sa PhilHealth kinaaliwan

  • Kinaaliwan ang pabirong mensahe ng isang netizen sa PhilHealth
  • Nagbigay siya ng reaksyon sa balitang tataas ang contribution rate ng mga miyembro nito sa pagpasok ng 2021
  • Marami sa mga netizens ang nagbigay ng kanilang reaksyon at opinyon hinggil dito

Bago nagtapos ang 2020, nawindang ang mga netizens sa balitang posibleng magtaas ng contribution fee ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa mga miyembro nito. Magiging epektibo umano ito ngayong 2021 batay na rin sa mandato ng Republic Act No. 11223 o Universal Health Care (UHC) Law.

Umalma naman ang mga tao sa balitang ito, lalo pa’t nahaharap pa rin at tila nakabinbin sa ere ang mga alegasyon ng katiwalian sa PhilHealth, na iniuugnay sa pinakamatataas na opisyal nito. Kaya naman, isang netizen na nagngangalang “Allaine Pila” ang pabirong nagbahagi ng screenshot ng ginawa niyang pagpapadala ng mensahe sa opisyal na Facebook page ng naturang ahensiya.

Imahe mula sa Facebook account ni Allaine Pila

“Awit talaga. Huwag ganoon boss. Hindi ko naman responsibilidad na bayaran ‘yon,” saad ng netizen, na tumutukoy sa halos 15 bilyong pisong nawawalang pondo na sinasabing ibinulsa ng mga opisyal na nasasangkot sa katiwalian.

Mababasa naman sa screenshot ang ipinadalang mensahe na “Lods, bakit tataasan yung contribution sa 2021? Parang ako yung magbabayad sa 15B na ninakaw ah? Awit naman!”

Kinaaliwan naman ng mga netizens ang naturang pabiro subalit makahulugang hirit. Naungkat ang naturang isyu na hanggang ngayon ay nananatiling tahimik at natatabunan nang iba pang mga isyu.

“Mag-iipon na naman kayo ng funds na nanakawin ng mga buwaya sa loob! Mga tinamaan kayo ng magaling! Kung puwede lang sana ‘di maghulog diyan, para wala na silang makulimbat eh!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, ” Paanong hindi mawawalan ng pondo eh kinamal na ng mga hinayupak na tiwaling opisyal na hanggang ngayon wala pa ring nananagot? Mabuti sana kung talagang nagagamit para sa mga mahihirap eh.”

“Paano ka naman gaganahang magbigay ng contribution kung katiwalian naman ang namamayani sa ahensiya ninyo? Lakas ninyo mangulekta tapos puro kayo corruption? Ilabas n’yo muna yung nawawalang 15 billion pesos at ipakulong n’yo muna lahat ng mga hospital, clinics, tauhan at mga opisyal ng PhilHealth na nakinabang sa corruption na iyan!” pahayag naman ng isa.

Imahe mula sa Twitter account ng CNN Philippines

Simula Enero 1, 2021, ang mga empleyado na may buwanang suweldo na  10,000 piso pababa ay may fixed contribution na 350 piso kada buwan. Iyon namang nakatatanggap ng 70,000 piso pataas ay may fixed contribution na 2,450 piso kada buwan din.

Ano ang masasabi mo sa panibagong pagtaas na ito sa contribution rate ng PhilHealth? Makatarungan nga ba ito sa kasalukuyan?

Loading…