Pagkatapos ng Skyway 3, SMC sisimulan naman ang Pasig River Expressway

Screenshot mula sa Behind Asia video
  • Matapos buksan ang Skyway 3, ipinahayag ng SMC na sisimulan naman nito ang konstruksyon ng PAREX
  • Ang proyekto ay tinawag na solution within a solution
  • Sinabi ni Ramon S. Ang ng SMC na inaasahang sa 2023 matatapos ang PAREX project

Opisyal nang binuksan sa mga motorista ang Skyway 3 nitong Biyernes, ika-15 ng Enero matapos ang isinagawang grand opening ceremony noong Huwebes, ika-14 ng Enero, kung saan si Pangulong Rodrigo Dutrerte ang panauhing pandangal.

Imahe mula kay Ramon S. Ang

Ngayong nakumpleto na ang pagdurugtong sa timog at hilagang bahagi ng Metro Manila sa pamamagitan ng Skyway Stage 3 project na tiyak na makapagbibigay ng kaginhawahan sa trapiko sa EDSA at iba pang mga pangunahing kalsada, sinabi ni San Miguel Corporation (SMC) president and chief operating officer na si Ramon S. Ang na hindi pa rito natatapos ang kanilang hangarin na mapaluwag ang daloy ng trapiko sa iba pang bahagi ng Kamaynilaan.

Pahayag ni Mr. Ang, isusunod na ng SMC ang Pasig River Expressway (PAREX) project na magdurugtong naman sa bahaging silangan at kanluran ng Metro Manila.

“We will continue work to further decongest Metro Manila by linking east and west of the metropolis, through the PAREX project,” aniya.

Sinabi niya kay Pangulong Duterte na sisimulan ang proyekto sa susunod na buwan ng Pebrero.

Inaasahang sa 2023 matatapos ang kabuuan ng 19.4-kilometer, six-lane elevated expressway na magsisimula sa Radial Road 10 (R-10) sa Maynila at magtatapos sa Circumferential Road 6 (C-6) sa Taguig City.

Screenshot mula sa Behind Asia video

“The PAREX will be completed by 2023, and we will realize our vision of seamless linking of North-South, East-West of Metro Manila through multiple access points,” wika ni Mr. Ang.

Ang expressway na babaybay sa gilid ng Pasig River ay tinawag na “a solution within a solution” dahil bukod na solusyon sa trapiko ay sosolusyunan din ang matagal nang problema sa polusyon ng ilog. Lilinisin at palalaliman ang ilog upang gumanda ang daloy ng tubig nito. Makatutulong din ito para maibsan ang pagbaha sa ilang bahagi ng Kamaynilaan.

Imahe mula sa Wheels PH

 

Loading…