Pagsuot ng double-mask laban sa UK COVID variant pag-aaralan ng DOH

Imahe mula sa Woman & Home
  • Pag-aaralan ng DOH ang rekomendasyon na pagsusuot ng double-mask bilang karagdagang proteksiyon
  • Kasunod ito ng naging rekomendasyon ni US infectious disease expert Dr. Fauci
  • Iginiit naman ng DOH na sa ngayon ay sapat na ang proteksyong face mask at face shield

Pag-aaralan ng Department of Health (DOH) ang option na pagsusuot ng double-mask upang mas epektibong malabanan ang COVID-19 lalo pa’t may sumulpot na bagong variant na sinasabing mas nakahahawa kaysa dati.

Kasunod ito ng rekomendasyon ni US infectious disease expert Dr. Anthony Fauci na binanggit sa isang panayam sa telebisyon na mayroon itong ‘common sense’ para mas maging effective.

Dr. Anthony Fauci| imahe mula sa Al Jazeera

Ayon naman kay Health Undersecretary Rosario Vergeire, bukas naman sila sa rekomendasyong ito subalit sa ngayon ay naniniwala ang DOH na sapat na ang isang face mask at face shield.

“Kasi sa tingin natin ‘yung isang mask na suot natin plus the face shield is enough to be protected. Mapapansin po natin from the time we implemented a mask and face shield hindi na masyado nagba-balloon. Although tumataas ang kaso pero nama-manage po natin,” paliwanag ni Vergeire.

Kailangan pa umano ng karagdagang ebidensiya na epektibo nga ito para hindi mahawahan ng virus bago maipatutupad.

“But I think ‘yung isang mask which guarantees us itong proteksyon ng 60 to 70% plus yung face shield plus the physical distance which will give you about 99% protection is enough for now,” dagdag pa ni Vergeire.

Pulis na may face mask, face shield| Imahe mula sa Xinhua

Dati ay face mask lang ang kailangang isuot ng mga Pinoy kapag lalabas ng bahay.

Subalit noong Disyembre, bago pa naisapubliko ang UK variant ng COVID, ipinag-utos ng Malakanyang ang pagsuot na rin ng face shield bilang karagdagang proteksiyon umano.

Sa kasalukuyan, mayroong 17 kumpirmadong kaso ng bagong COVID variant sa bansa; 12 ay nasa Bontoc, Mountain Province na isinalalim na ngayon sa mas mahigpit na quarantine.

Loading…