Pakiusap ng mag-aaral sa kaniyang guro na ‘lakihan’ ang natamong grado sa asignatura kinaaliwan

  • Naaliw ang mga netizens sa pag-uusap ng isang mag-aaral at guro
  • Nakikiusap ang mag-aaral na lakihan pa ang nakuha niyang “75” sa isang asignatura
  • Sinunod naman ito ng guro na talagang “witty” at masasabing literal

Masarap sa pakiramdam bilang isang mag-aaral na ang mga marka o gradong masisilip ng mga magulang sa kuwarter na pagbibigay ng report card sa paaralan, ay pawang matataas. Maituturing na matataas na marka o grado kapag pumalo na sa 90 pataas, habang ang 70 hanggang 75 naman ay sinasabing “pasang-awa.”

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang pakiusap ng isang mag-aaral sa kaniyang guro na “lakihan” pa ang gradong 75 na natamo niya mula sa asignaturang itinuturo nito. Ibinahagi ng gurong si “Joemar Pagaduan Ancheta” sa kaniyang Facebook post ang image capture ng kanilang usapan sa Messenger. Tiniyak naman ng guro na “anonymous” ang pagkakakilanlan ng naturang mag-aaral upang matiyak pa rin ang privacy nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Ancheta Pagaduan Joemar

“Teacher tayo ‘nak, hindi magician. Hindi kaya ng dasal at himala yung grade mo eh, puwede zoom lang talaga,” pahayag ng guro sa pakiusap ng mag-aaral na lakihan o dagdagan pa sana ang nakuhang 75.

Ang siste, naibigay na ang mga temporary card sa mga mag-aaral, at nagpadala ng pribadong mensahe ang mag-aaral sa kaniyang guro, kung maaari pa bang lakihan ang kaniyang mga grado. Batay sa report card, 75 ang nakuhang grado ng mag-aaral sa mga asignaturang Filipino at English: dalawang asignaturang nasa ilalim ng Communication Arts.

Para naman sa iba pang mga asignatura gaya ng Mathematics, Science, Technology and Livelihood Education o TLE, at Edukasyon sa Pagpapakatao o EsP, siya ay INC o Incomplete. Asignaturang Araling Panlipunan lamang ang nakakuha ng mataas-taas na grado, at ito ay 85.

Pinagbigyan naman ng guro ang mag-aaral, na talaga namang nakapagpaaliw sa mga netizens. Literal na nilakihan kasi ng guro ang numerong 75. Naghuhumiyaw na tuloy ito!

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

Public Domain Image

“Ay naku sir. Ang baba mo naman kasing magbigay ng grade. Bigyan mo agad 150 i-advance mo na grade para sa 2nd grading,” pakuwelang saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Ang galing magpalaki ng grade ni sir! Hahaha.”

“Witty nito! Hahaha,” sambit naman ng isa.

Tandaan, bagama’t sinasabing hindi naman ang grado o marka ang magbibigay ng katuturan o kabuluhan sa isang tao, ito ay isang indikasyon o patunay ng ‘ika nga ay “fruit of labor,” gayundin ang mahahalagang values tulad ng pagiging masipag, masikap, at matiyaga. Ito rin ang magsisilbing regalo natin sa mga magulang na walang sawang nagpapagal upang matamo natin ang kalidad na edukasyon, na kayamanang hindi mananakaw ninoman.

Source :

Facebook

Loading…