Palasyo nagpaliwanag kung bakit ‘di pa rin kasama ang China sa ipinatutupad na travel ban

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Nagpaliwanag ang Malakanyang kung bakit ‘di pa rin kasali ang China sa travel ban
  • Ito ay sa kabila ng napaulat na nakapasok na rin ang bagong COVID variant doon
  • Subalit ayon kay Roque, wala pang kumpirmasyo tungkol dito ang mga international agencies

Nitong nakaraang Miyerkules ay inanunsiyo ng Malakanyang ang travel ban sa anim pang bansa bilang pag-iingat upang hindi makapasok sa Pilipinas ang mas nakahahawang variant ng COVID-19.

Kabilang sa nadagdag sa listahan ay ang Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, at Brazil. Subalit kapansin-pansin na hindi nakasama rito ang China gayung mayroon na ring napaulat na kaso umano ng bagong COVID variant doon.

Imahe mula sa MIAA-Facebook

Sa paliwanag ng Palasyo nitong Huwebes, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na wala pang opisyal na ulat ang mga internasyonal na ahensiya tungkol dito.

“Kasi hindi pa po ‘yan nare-report ng mga international agencies na kumpirmado. Ang alam lang po natin ay media reports,” ani Roque sa online press briefing.

“Antayin po natin ang confirmation at kung mayroon naman pong confirmation ay isasali rin sila sa listahan. As of now wala pa pong confirmation,” dagdag na paliwanag ng tagapagsalita ng Palasyo.

Noong Enero 1, iniulat ng CGTN, isang publication na pag-aari ng gobyerno ng China, ang tungkol sa isang 23-anyos na babaeng nagpositibo sa bagong variant ng COVID. Ang babaeng estudyante ay kagagaling lang din sa UK at dumaan sa Shanghai kung saan siya na-detect bilang carrier ng bagong virus noong Disyembre 14.

Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala si Sen. Risa Hontiveros matapos hindi pa rin makasama ang China sa mga may travel restriction papasok ng Pilipinas.

Imahe mula sa SCMP

“Tigilan na ang kababalaghan. Bakit exempted ang China? Natatakot na naman ba tayong masaktan ang damdamin nito? Unahin naman natin ang Pilipinas,” wika ni Hontiveros.

Ayon pa sa mambabatas, lubhang nakahahawa ang bagong variant na ito at sana ay huwag nang hintayin pa ng gobyerno na ‘maghingalo pa ang ating mga ospital at mahirapan pa ang ating mga nars at doktor’ bago ipatupad ang nararapat na hakbang.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 27 ang bilang ng bansa may travel ban sa Pilipinas at kabilang rin dito ang UK, Australia, Canada, Denmark, France, Germany, Hong Kong, Iceland, Ireland, Israel, Italy, Japan, Lebanon, Netherlands, Singapore, South Africa, South Korea, Spain, Sweden, Switzerland, at Estados Unidos.

Loading…