Pamilya sa Bagong Silangan, Quezon City nakatira sa itaas ng puno; mga netizens nag-alala

  • Nabahala ang mga netizens sa naispatang isang pamilya na naninirahan sa treehouse
  • Makikita sila sa isang barangay sa Quezon City
  • Maaaring ikapahamak ng pamilya ang pagdating ng mga bagyo

Ang “treehouse” o bahay sa itaas ng isang puno ay karaniwan na sa Pilipinas; sa katunayan, sinasabing ito raw ang unang anyo ng mga tahanan noong unang panahon, nang matuklasan ng mga ninuno na maaari palang manatili na lamang sa isang lugar upang hindi na maglagalag o “nomadic.” Nagtayo sila ng mga bahay sa itaas ng puno bilang pananggalang laban sa mababangis na mga hayop, o kaya naman ay mga kalaban.

Subalit sa panahong kasalukuyan kung saan mas hinihingi ng kasalukuyang kalagayan ang mas matatag at konkretong bahay para sa seguridad ng sambahayan, isang pamilya sa Barangay Bagong Silangan sa Quezon City ang napaulat na nakatira sa isang treehouse, ayon sa ulat ng Philippine Star. Hindi naman nakuha ang pagkakakilanlan o nalaman ang dahilan kung bakit napili nilang magtayo ng bahay sa itaas ng puno.

Imahe mula sa Philippine Star / Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Maganda sana ang treehouse, pero sa panahon po ngayon na ang lalakas ng mga bagyo at may pandemya, parang mapanganib po na manirahan diyan,” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Pati puno sinakop na, kasi wala nang espasyo at walang maayos na tirahan. Baka gayahin ng ibang mga informal settlers. Kawawa naman sila kapag natumba ang puno. Parang maliit lang ang katawan ng puno eh!”

“Sana matulungan sila ng lokal na pamahalaan ng Quezon City. Sabagay, napapalampas nga ang mga gumagawa ng bahay sa ilalim ng tulay, iyan pa kaya? Sana naman mapagtuunan ng pansin,” wika naman ng isa.

Imahe mula sa Philippine Star

Sa isinagawang survey ng Social Weather Stations o SWS mula Nobyembre 21 hanggang 25, 2020, 91% o 9 sa bawat 10 mga Pilipino ang nag-aalala para sa kanilang mga pamilya, na baka makakuha sila ng COVID-19 sa labas ng kanilang mga tahanan.

Loading…