Panawagan sa Meralco: Huwag munang putulan ng kuryente mga consumers na may balanse pa

Imahe mula sa Bulgar Online
  • Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa Meralco na huwag munang ipatupad ang disconnection policy at bigyan pa ng palugit ang mga consumers
  • Ang panawagan ng senadora ay kasunod ng anunsyo ng Meralco na magsisimula na itong mamigay ng mga disconnection notice sa mga consumers na mayroon pang balanse
  • Nangako naman ang Meralco na pag-aaralan ang mungkahi ng senadora

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Manila Electeric Company (Meralco) na palawigin pa ang installment payment scheme sa mga consumers na mayroon pang balanse dahil lalong mahihirapan ang mga mararalitang pamilya at madidiskaril ang mga hakbang na ginawaga ng pamahalaan upang makabangon ang ekonomiya.

Imahe mula sa ABS-CBN

Ang istriktong paniningil ay magreresulta umano sa isang “disconnected nation.”

“Hindi maganda na ngayong 2021, maliban sa COVID-19 ay magkaroon din ng epidemiya ng tanggalan ng kuryente sa ating bansa. Mas mahihirapan umahon ang bansa mula sa pandemya at sa bagsak na ekonomiya kung mas maraming Pilipino ang mapuputulan ng kuryente sa kanilang mga kabahayan dahil sa mga polisiya ng Meralco,” wika ni Sen. Hontiveros.

Ang pahayag ng senadora ay kasunod ng anunsyo ng Meralco na magsisimula na itong magbigay ng disconnection notice sa mga consumers na hindi pa nababayaran nang buo ang mga nakonsumong kuryente.

Aniya, ang disconnection policy at ang pagtaas ng generation charge simula ngayong Enero ay bukod pa sa dati nang mataas na buwanang singil sa kuryente na dapat bayaran ng mga consumers.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Risa Hontiveros

“Itong anunsyo ng Meralco ay mistulang one-two-three punch sa ating mga kawawang consumer, na marami ngayon ay knock-out na sa mga utang, mahal na bilihin at kakulangan ng hanapbuhay dahil sa pandemya. Mas malaki na ang singil ng kuryente, andiyan pa ang panganib na matanggalan ng kuryente kapag hindi nakabayad nang buo. Baka maulit o mas malala ito sa “bill shock” last year na inalmahan ng ating mga kababayan noong 2020,” anang senadora.

Sinabi naman ng Meralco na pag-aaralan nito ang mungkahi ni Sen. Hontiveros.

Loading…