Pang. Duterte binuhusan ng alcohol ang kamay ng Chinese minister na dumalaw sa Malakanyang

Screenshot mula sa ABS-CBN News video
  • Binuhusan mismo ni Pang. Duterte ng alcohol ang kamay ng Chinese official na dumalaw sa Malakanyang
  • Ipinakita ng Pangulo ang isang halimbawa ng pag-iingat sa gitna ng kumakalat na bagong variant ng COVID
  • Samantala, pinasalamatan ni Duterte sa kanilang pag-uusap ang patuloy na magandang ugnayan ng dalawang bansa

Ipinakita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko ang magandang halimbawa ng pag-iingat lalo na ngayong kumakalat na rin sa ibang bansa ang bagong variant ng COVID-19.

Ito ay sa pamamagitan ng pagsa-sanitize ng kamay gamit ang alcohol matapos makadaupang-palad si Chinese Foreign Minister Wang Yi na dumalaw sa Malakanyang para sa kaniyang courtesy call.

Nitong Sabado nang hapon ay personal na hinarap ni Pangulong Duterte si Minister Wang na dumating sa bansa noong Biyernes, Enero 15.

Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Sa video na ibinahagi ng RTVM sa Facebook, makikitang kinamayan ni Duterte ang Chinese official. Pagkatapos nito ay tinawag ng Pangulo ang kaniyang aide na may hawak ng alcohol at nag-sanitize ng kamay.

Si Duterte na rin mismo ang nagbuhos ng alcohol sa kamay ni Wang na kaagad namang nagpaunlak. Dalawa pang Chinese official na kasama ni Wang ang binuhusan din ni Duterte ng alcohol ang kamay bago sila tumuloy sa pormal na pag-uusap.

Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Ilang beses nang nagpapaalala ang Palasyo at maging ang Pangulo mismo sa publiko na sundin ang health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Kabilang na dito ang social distancing, pagsuot ng face mask at face shield at palagiang paghuhugas o pag-sanitize ng kamay lalo na kapag nasa pampublikong lugar.

Samantala, pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang patuloy na ‘high-level engagement’ sa pagitan ng Pilipinas at China sa gitna ng pandemya at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtupad sa pangako ng dalawang bansa sang-ayon sa Comprehensive Strategic Cooperation.

“The recovery of nations sits on the back of stronger economies. China plays a very key role in reviving our region’s economy. Let us do all we can to revive economic activities between the Philippines and China,” pahayag ng Pangulo.

Panoorin ang video ng courtesy call ni Minister Wang sa Malakanyang:

Loading…