Pang. Duterte handang maunang magpabakuna para mapawi ang takot ng publiko – Palasyo

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM
  • ‘Di mag-aatubiling maunang magpabakuna si Pangulong Duterte, ayon sa Palasyo
  • Gagawin umano ito ng Pangulo kung sa tingin niya ay natatakot ang mga tao
  • Gayunpaman, hintayin na lang daw kung anuman ang magiging personal na desisyon ng presidente

Sa ikalawang pagkakataon, sinabi ng Palasyo na handa si Pangulong Rodrigo Duterte na maunang magpaturok ng COVID vaccine kung ito ang makapapawi sa agam-agam ng publiko.

“Kung sa tingin niya ay natatakot ang mga tao sa bakuna ay hindi naman po siya mag-aatubili na mauna,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa panayam ng GMA News.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

Ginawa ni Roque ang paglilinaw bilang sagot sa naging pahayag ni Vice President Leni Robredo na dapat ay maunang magpaturok ang Pangulo upang lumakas ang tiwala ng publiko sa bakuna kontra COVID.

Magugunitang nagbago ang desisyon ni Duterte na noon ay nagsabing mauna siyang magpapaturok para maipakita sa publiko na ligtas ang bakuna. Subalit nitong nakaraang linggo ay sinabi nitong magpapahuli na sila kasama ang iba pang opisyal dahil dapat daw na unahin ang mahihirap at kung may natira man ay saka na sila magpapaturok.

Ganunpaman, nakiusap si Roque sa publiko na hintayin na lang kung anuman ang magiging personal na desisyon ng presidente.

Imahe mula sa PNA

“If he wants it public, well, seeing the President being vaccinated is proof of the pudding,” dagdag pa ng kalihim. “Basta ang sa kaniya, interes ng taumbayan bago ang interes ng mga nakaupo.”

Hindi rin umano malayong mangyari na muling magbago ang desisyon ng Pangulo at piliin na lang muli na maunang magpabakuna ito.

Nauna na ring sinabi na vaccine czar Sec. Carlito Galvez na malaking bagay para vaccination program ng gobyerno kung makikita na tinuturukan ng bakuna si Pangulong Duterte sa publiko lalo pa’t mayroon itong 91% popularity base sa pinakahuling survey.

Loading…