Pangulong Duterte payag na ipagpaliban muna ang dagdag sa PhilHealth contribution – Sen. Go

Imahe mula sa Tempo
  • Walang tutol si Pangulong Duterte na ipagpaliban muna ang dagdag singil sa Philhealth
  • Subalit kailangan umano ang batas para maipatupad ito
  • Anuman ang maging paraan, dapat ay magtulungan ang lahat upang masolusyunan ang problema

Sang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban muna ang pagtaas sa singil ng PhilHealth contributions ng bawat miyembro dahil na rin sa kinakaharap na krisis ng bansa.

Ayon sa pahayag na inilabas ng opisina ni Senador Christopher ‘Bong’ Go, na kilalang malapit sa presidente, wala raw tutol si Duterte sa panukalang ito sa harap na rin ng mga panawagan na huwag na munang ituloy ngayong taon ang dagdag sa contribution sa PhilHealth.

Imahe mula sa Philhealth

“Base sa usapan namin ni Pangulong Duterte, sang-ayon naman po siya na ipagpaliban pansamantala muna ang pagtaas sa rates ng contributions ng PhilHealth habang may pandemya pa tayong kinakaharap,” wika ng senador.

Ganunpaman, alam din umano ng Pangulo na kailangan ang batas para maipatupad ang deferment, at kailangan din na masiguro na hindi maapektuhan ang serbisyo ng state insurer.

“Sinabi niya na kung may maipapasang batas ang lehislatibo na naglalayong ipatupad ang deferment, o kung may kailangang aprubahan na dagdag na pondo mula gobyerno para hindi maantala ang serbisyo ng PhilHealth, pipirmahan niya ito pagkatapos mapag-aralan nang mabuti,” paliwanag ni Go.

Pumayag na rin daw ang Budget department at pinag-aaralan na ngayon kung paano ma-augment ang pondo ng PhilHealth upang hindi maapektuhan ng serbisyo nito.

Imahe mula kay Sen. Bong Go

Isa sa tinitingnang paraan, paliwanag ni Go, ay maghain ng isang amendatory bill na tatalakayin mismo ang specific provision sa Universal Health Care (UHC) Law na nagtatakda ng nasabing dagdag contribution. Isa pang option umano ay magsingit ng provision sa panukalang Bayanihan 3 bill upang payagang ipagpaliban muna ang mga deadline ng mga katulad na hinihingi sa batas.

Anuman ang maging daan, ayon sa senador, ay kailangang magtulungan ang lahat upang masolusyunan ang ganitong problema nang hindi naisasantabi ang serbisyong dapat na matanggap ng bawat Pilipino.

“Gawin natin ang lahat ng ating makakaya para mapagaan ang pinapasan ng taumbayan. Hirap na ang ating mga kababayan, huwag na natin silang mas pahirapan pa,” wika pa ng mambabatas.

Loading…