Panibagong lockdown dahil sa UK COVID variant? Depende, ayon sa Palasyo

Imahe mula sa Global Times
  • Depende sa magiging sitwasyon sa mga susunod na linggo kung muli ngang magpapatupad ng lockdown sa bansa
  • Ito ay sa gitna ng pangamba ng publiko dahil sa bagong COVID variant
  • Nakiusap rin ang Palasyo na sumunod sa panawagan ng Presidente

Dahil nakapasok na sa bansa ang bagong variant ng COVID-19, maraming nababahalang Pilipino ang nagtatanong kung muling magpapatupad ng mas mahigpit na lockdown ang gobyerno.

Matatandaang isang Pinoy na bumiyahe patungong United Arab Emirates (UAE) at bumalik sa Pilipinas noong nakaraang linggo ang unang nagpositibo sa mas nakahahawang UK variant ng COVID.

Screenshot mula sa PTV 4

Matapos tanungin ng mamamahayag nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakadepende ang pagbabago ng quarantine restrictions sa dalawang mahalagang bagay.

“Nakadepende po iyan principally doon sa two week attack rate at saka doon po sa critical care capacity ng bansa. Pero ngayon po, marami pa pong mga kama na available sa ICU, sa ward beds at sa ating mga isolation facilities,” paliwanag ni Roque sa kaniyang virtual presser.

Pag-uusapan pa rin daw ng IATF kung palalawigin pa pagkatapos ng Enero 15 travel restrictions sa mahigit 20 bansa kung saan may travel ban ang Pilipinas na ipinatupad noong Disyembre dahil sa bagong COVID variant.

Tiniyak din ni Roque na hindi pa magbabago ngayon ang community quarantine classifications kahit pa may na-detect nang bagong variant ng COVID.

“Hindi pa po magbabago ang ating quarantine classification dahil monthly po na pinagdidesisyunan iyan ng IATF at nakadepende po iyan sa datos ‘no – iyong two week attack rate at saka iyong critical care capacity,” dagdag na paliwanag ng kalihim.

Tinitingnan na rin umano ng gobyerno ang posibilidad na mas maraming magkakasakit dahil mas nakahahawa itong new variant pero nakadepende pa rin ang kanilang desisyon sa kung ano ang magiging sitwasyon sa susunod na dalawang linggo.

“Pero kung hindi naman po sila magpapa-hospital dahil mild lang iyan ay may posibilidad na hindi rin po magbabago ang quarantine classification. Tingnan na lang po natin ang pangyayari, pero sa ngayon po, patuloy po ang panawagan ng ating Presidente: Mask, Hugas at Iwas,” pakiusap pa ni Roque sa publiko.

Loading…