Payo ng ama sa mga kapwa magulang: ‘Ang bigay sa bata ay para sa bata’

Imahe mula sa Facebook | Jarlo Manalad at Canva
  • Kinabiliban ng netizens ang isang ama na hindi ginastos ang lahat ng mga perang bigay sa kaniyang anak mula nang ito ay binyagan
  • Kahit dalawang taong gulang pa lang ang bata ay may P77k ipon na ito sa bangko
  • Hiling ng ama, sana ay gawin din ito ng ibang mga magulang

Tuwing sasapit ang Kapaskuhan, madalas na mayroong mga ninong o ninang na nagbabahagi ng kanilang karanasan tungkol sa mga magulang na nagiging demanding pagdating sa halaga ng perang ibibigay sa kanilang mga anak.

Tugon tuloy ng ilan, tila hindi naman ang bata ang makikinabang sa aguinaldo kundi ang mga magulang nito.

Imahe mula sa Facebook | Jarlo Manalad

Kaya naman hinangaan ng netizens ang isang ama na itinabi ang lahat ng perang natanggap ng kaniyang anak mula noong ito ay binyagan hanggang sa ngayon na dalawang taong gulang na ito. “Mag-3 years old pa lang ‘yong bata, may ipon na siyang P77k,” sabi ni Jarlo Manalad sa isang Facebook post.

Pinasalamatan niya rin ang mga kamag-anak at kaibigan na nagbigay ng pera sa kanilang anak.

“Lahat po ng ibinigay ninyo sa bata mula nang binyagan siya ay para po sa kaniya. Wala kaming ibinulsang mag-asawa. Wala kaming ipinantapal sa expenses niya, gaya noong ginastos sa binyag at first birthday niya. Hanggang sa huling sentimo, sa bata po iyan at lahat pa ng ibibigay ninyo ay idadagdag diyan,” sabi pa ni Jarlo.

Imahe mula sa Unsplash

Pagsisikapan din daw nilang mag-asawa na hindi magalaw ang ipon ng kanilang anak hanggang sa makapagtapos ito ng pag-aaral. “Sana ay mairaos namin ang edukasyon ng bata nang hindi ‘yan ginagalaw para pamana na namin ‘yan sa kaniya.”

Hiling niya pa, sana ay gawin din ito ng ibang mga magulang. “Lahat ng expenses niya ay dapat nating itaguyod. Lahat ng bigay sa bata ay para sa bata.”

Ngayon ay nasa bangko na raw ang ipon ng kanilang anak at tuwing suweldo ay nagtatabi rin daw sila ng maliit na halaga. “May small amount din kaming inilalagay na mag-asawa riyan kada sahod pero maliit lang. Mas malaki pa rin ‘yong mga bigay,” aniya.

Nakabibilib! Isang magandang halimbawa ito na magandang tularan.

Source :

Facebook

Loading…