PhilHealth exec itinangging may nawawalang P15-B na pondo; ginamit raw ito sa COVID response

Imahe mula sa PHilHealth
  • Itinanggi ng tagapagsalita ng PhilHealth na nawawala o ibinulsa ang P15-B pondo ng ahensiya
  • Ginamit raw ito bilang bahagi ng COVID response ng pamahalaan
  • Sa katunayan umano ay naibalik na ang malaking bahagi ng halaga at kaunti na lamang ang hindi pa nare-reimburse

Itinanggi ng isang opisyal ng PhilHealth na mayroong nawawalang pondo ang kanilang ahensiya na pinaniniwalaang ibinulsa ng ilang empleyado na sangkot sa katiwalian.

Sa panayam ng CNN Philippines kay PhilHealth Spokesperson Rey Baleña niong Lunes, sinabi ng opisyal na hindi naman talaga ito nawawala; bagkus ay ginamit umano para sa COVID response ng gobyerno.

PhilHealth Spokesperson Rey Baleña| Iamhe mula sa ANC via Twitter

“‘Yung P15 billion na pinaniniwalaan ng ilan na nawawala, ito ay ibinulsa di umano. Gusto nating categorically na sabihin sa mga kababayan natin na ito po ay hindi nawawala. Ito po ay tinanggap ng 711 na mga health care facilities sa buong bansa bilang bahagi ng ating COVID response,” paliwanag ni Baleña.

Sa katunayan umano, dagdag pa ng tagapagsalita ng PhilHealth, malaking bahagi na ng nabanggit na halaga ang naibalik sa ahensiya hanggang sa kasalukuyan.

“As of late, ay mayroon na pong 87%, o kabuuang P13.03 billion ang mga naliquidate na ng mga ospital… Hindi ito nawawala. Hindi ito ibinulsa. Ito ay napunta sa mga ospital at nagamit sa mga pasyente,” wika pa ni Baleña.

Ito raw ay nangangahulugan na halos P2-B na lamang ang hindi pa nare-reimburse sa PhilHealth.

Thorsson Montes Keith| Screenshot mula sa Senate video

Hulyo noong nakaraang taon nang ibulgar ng nagbitiw na anti-fraud legal officer ng PhilHealth na si Thorrsson Montes Keith na mayroong P15-B pondo ang state insurer na ‘ninakaw’ o ‘winaldas’ umano ng ilang matataas na opisyal na kabilang sa tinaguriang ‘mafia’ sa loob.

Ito ang nagbigay-daan para maglunsad ng hiwalay na imbestigasyon ang Senado at Kamara na kinalaunan ay nauwi sa pagbibitiw ni dating PhilHealth chief Ricardo Morales.

Ayon pa kay Baleña, patuloy silang nakikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon at may mga kaso na ring naisampa laban sa ilang indibidwal.

Hayaan na lang daw na gumulong ang kaso at nangako rin ang opisyal na patuloy silang makikipag-cooperate sa pagsisiyasat upang lumabas ang katotohanan.

Loading…