Pilipinas makatatanggap ng libreng 40 million doses ng COVID-19 vaccine mula sa COVAX

Imahe mula sa Xinhua
  • Tatanggap ang Pilipinas ng libreng 40 million doses ng COVID-19 vaccine mula sa COVAX facility
  • Ang COVAX facility ay pinamumunuan ng WHO, GAVI vaccine alliance at Coalition for Epidemic Preparedness Innovations
  • Target ng COVAX na makapag-distribute ng 2 billion doses ng bakuna kontra COVID-19 sa mga participating countries ngayong 2021

Ipinahayag ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na makatatanggap ang Pilipinas ng hanggang 40 million doses ng COVID-19 vaccine nang walang bayad mula sa GAVI COVID-19 Vaccines Global Access facility o COVAX.

Imahe mula sa STR

Inaasahang darating ang mga bakuna mula sa COVAX facility sa susunod na buwan.

“Ikinagagalak ko pong ibalita na ang atin pong COVAX facility para sa Pilipinas ay naaprubahan na po. Siguro mayroon po tayong 30 to 40 million na doses for free para po sa lahat ng ating kababayan,” pagbabahagi ni Galvez sa Laging Handa special public briefing ngayong Huwebes, January 21.

“Kaya po nagpe-prepare na po tayo, nakita po natin ‘yung pinublish po na guidelines from COVAX na confirmation so magandang balita po ito,” dagdag pa niya.

Layunin ng COVAX, na pinangungunahan ng World Health Organization, GAVI vaccine alliance at ng Coalition for Epidemic Preparedness Innovations, na bigyan ng pantay-pantay na tsansa ang mga mahihirap na bansa na magkaroon ng bakuna kontra sa COVID-19.

Target nito na makapagdeliver ng dalawang bilyong doses ng ligtas at epektibong COVID-19 vaccines sa mga participating countries hanggang sa katapusan ng taong 2021.

Imahe mula sa PNA

Hindi sigurado ni Sec. Galvez kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang manggagaling sa COVAX, pero sinabi niya na kabilang sa mga bakuna mula rito ay ang AstraZeneca, Pfizer, Johnson&Johnson at Covovax.

Aniya, posible raw na Pfizer ang dumating sa Pebrero.

“Sa ngayon, wala pa po tayong definite kung ano pong vaccine ang mauunang i-deploy, but most likely iyong Pfizer,” sabi ng vaccine czar.

Bilang paghahanda sa parating na mga bakuna, nakikipag-usap na ang pamahalaan sa 18 logistics companies. Apat sa mga naturang kumpanya ay mayroong ultra-cold storage capacity.

Imahe mula sa DOH

 

Loading…