Pinal na ang pasya ni Pres. Duterte na hindi isapubliko ang pagpapabakuna niya kontra COVID-19

Imahe mula sa Pexels
  • Pinal na ang desisyon ni Pangulong Duterte na hindi isapubliko ang pagpapabakuna niya ng COVID-19 vaccine
  • Sinabi ni Presidential Spokeperson Harry Roque ang dahilan kung bakit hindi maaaring isapubliko ang vaccination ng Pangulo
  • Hinihikayat ni VP Leni Robredo ang Pangulo na ipakita sa publiko ang pagpapabakuna nito na makatutulong daw para tumaas ang tiwala ng mga mamamayan sa COVID-19 vaccine

Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinal na ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing pribado at hindi isasapubliko ang pagpapabakuna niya kontra sa COVID-19.

Imahe mula sa PCOO

Sa isang press briefing sa Malacañang, tinanong ng isang mamamahayag si Sec. Roque kung pinal na ang desisyon ng Presidente na magpabakuna in private.

“Sir, ‘yung vaccination po ng Pangulo final na po ba na it will be done privately?” tanong ng isang mamamahayag.

“I think so. He has said so. Sabi nga niya dahil sa puwit siya magpapasaksak so hindi pupuwedeng public,” sagot ni Roque.

Matatandaang noong nakaraang linggo ay sinabi na rin ni Roque na personal na desisyon ng Presidente ang pribadong pagpapabakuna. Wala na umanong kailangang paliwanag pa roon. Tutularan daw ng Pangulo ang ginawa ni Queen Elizabeth ng Great Britain at asawa nito na isinapribado ang pagpapaturok.

Imahe mula sa PNA

Nauna na ring itinanggi ni Roque na nabakunahan na ang Presidente kasabay ng unauthorized na pagpapabakuna ng mga miyembro ng Presidential Security Group noong nakaraang taon.

“Haka-haka po iyan,” aniya.

Tiniyak niya na ipapaalam sa publiko kapag nabakunahan na ang Pangulo.

Sinabi naman ni Bise Presidente Leni Robredo na tataas ang kumpiyansa ng mga Pilipino sa bakuna kapag isinapubliko ang vaccination ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Imahe mula sa Facebook account ni VP Leni Robredo

Batay sa mga survey, maraming mga Pinoy ang walang tiwala sa COVID-19 vaccines.

Ang pinal na desisyon ng Pangulo ay taliwas sa nauna niyang pahayag noong Agosto ng nakaraang taon. Sinabi niya noon na payag siyang ipakita sa publiko na mabakunahan ng Sputnik V COVID-19 vaccine na gawa ng Russia.

 

Source :

YouTube, Inquirer

Loading…