Pinaliliguang Sto. Niño sa Cebu, biglang sumayaw?

Screenshot mula sa KMJS video
  • “Sumayaw” umanoang imahen ng Sto.Niño sa Olango Island habang pinaliliguan ng sabaw ng buko
  • Naniniwala ang mga residente na isang milagro ang pagsayaw ng imahen
  • May paliwanag naman ang isang physicist sa posibleng paggalaw ng Sto.Niño

Napuno ng galak ang puso ng mga taga-Barangay Caw-oy sa Olango Island sa Lapu Lapu City, Cebu dahil sa diumano ay milagrong ipinakita sa kanila ng Sto. Niño na kanilang pinaliliguan.

Screenshot mula sa KMJS video

Naganap ang pinaniniwalaang himala sampung araw bago ang Sinulog Festival sa Cebu City. Ang imahen ng batang Hesus na tinatawag nilang Sto. Niño Kaplag ay “sumayaw” daw habang pinaliliguan ng sabaw ng buko.

Naniniwala ang mga residente na ang sabaw ng buko na ipinampaligo sa Sto. Niño ay nakagagaling ng mga karamdaman kapag ipinahid sa katawan. Libre itong ipinamimigay sa mga deboto.

Sa video mula sa mga residente ng Olango Island na ibinahagi naman ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), makikita ang munting Sto. Niño na dahan-dahang umiikot. Nagpagewang-gewang pa ito na animo nagsasayaw.

Hindi iyon ang unang pagkakataon na “sumayaw” ang Sto.Niño Kaplag, sabi ng mga residente. Nangyari ang unang pagsayaw ng imahen noong taong 2009, isang taon matapos iyong matagpuan ng isang residente sa dalampasigan noong 2008. Ang Kaplag ay salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay “nakita” o “nahanap.”

Screenshot mula sa KMJS video

May simpleng paliwanag naman ang isang physicist kung bakit parang sumayaw ang Sto. Niño na nakapatong sa plato habang pinaliliguan sa loob ng isang palanggana.

“Kasi po kapag may plato po, uneven po ‘yung surface. Kapag uneven po ang surface, ang tendency ng isang body, magshi-shift po ang tinatawag nating center of mass. Maaari po iyong maging factor kung bakit po gumagalaw ‘yung Sto. Niño po natin,” paliwanag ng ekspertong si Micahella Sarmiento.

Nakaaapekto rin daw kung saan yari ang imahen. Ang Sto. Niño Kaplag na may taas na isang dangkal ay gawa raw sa bato.

Screenshot mula sa KMJS video

Ayon sa physicist, iba-ibang uri ang mga bato. May mga batong magaan na lumulutang sa tubig tulad ng pumice.

Hindi naman natinag ang pananampalataya ng mga deboto sa paliwanag ng eksperto. Hindi naman daw nila ipinipilit ang kanilang paniniwala at karapatan din umano ng iba na hindi maniwala. Para sa mga residente, ang kanilang debosyon sa Diyos ay nananahan sa kanilang mga puso.

Narito ang video ng “pagsayaw” ng Sto. Niño Kaplag:

Loading…