
- Anim na bansa pa ang nadagdag sa listahan ng may ipinatutupad na travel ban
- Kabilang dito ang Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, at Brazil
- Sa kabuuan, umabot na sa 27 ang bansang kabilang sa may travel restriction sa Pilipinas
Nadagdagan ng anim na bansa pa ang listahan ng travel ba na ipinatutupad ng Pilipinas dahil sa pangambang makapasok dito ang mas nakahahawang variant ng COVID-19.
Sa naging anunsiyo ng Malakanyang nitong Miyerkules, Disyembre 6, nadagdag sa listahan na mayroong travel restrictions ang mga bansang Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, at Brazil.

Ipatutupad ito simula Enero 8 hanggang 15 at saklaw lahat ng mga banyagang manggagaling sa mga nabanggit na bansa na ‘di na muna papayagang makapasok sa Pilipinas.
Samantala, ang lahat ng mga biyahero, kabilang na ang mga Pilipino, ay papayagan pa ring lumapag bago ang Enero 8 subalit kailangan silang sumailalim sa 14-day quarantine.
“In this regard, foreign passengers coming from or who have been to Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, and Brazil within 14 days immediately preceding arrival in the Philippines, shall be prohibited from entering the country effective January 8, 2021, 12:01 AM, Manila time, until January 15, 2021,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Dahil dito, umabot na sa 27 ang bilang ng bansang nakasama sa listahan ng ipinatutupad na travel restriction.
Nauna nang inanunsiyo ang travel ban sa mga bansang UK, Australia, Canada, Denmark, France, Germany, Hong Kong, Iceland, Ireland, Israel, Italy, Japan, Lebanon, Netherlands, Singapore, South Africa, South Korea, Spain, Sweden, Switzerland, at Estados Unidos na ipinatupad simula noong Disyembre 24.
Kaugnay nito, nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magtatag ang pamahalaan ng panibagong task force na tututok lang sa bagong variant ng COVID-19. Sa pagkakataong ito, sinabi niya na dapat pangunahan ng mga medical experts at scientists ang task force.
Sinabi rin ng Pangulo na sa ngayon ay mas mainam na asahang makapapasok sa bansa ang new variant ng COVID-19 at tugunan ito tulad ng ginawang pagtugon sa SARS-CoV-2, ang virus na sanhi ng COVID-19.