Presyo ng Sinovac COVID-19 vaccine nasa P650 lang kada turok – Harry Roque

Imahe mula sa Twitter
  • Tiniyak ni Harry Roque na hindi mahal ang Sinovac COIVD-19 vaccine
  • Hindi niya maaaring sabihin ang eksaktong presyo ng bakuna, pero sinabi niyang nasa bandang P650 kada turok ang presyo niyon
  • Ipinaliwanag ni Roque kung bakit hindi niya maaaring sabihin ang eksaktong presyo ng Sinovac vaccine

Hindi man niya maaaring sabihin ang eksaktong presyo ng Sinovac COVID-19 vaccine na inorder ng Pilipinas dahil sa non-disclosure agreement, tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kapareho lang ito ng presyo ng bakuna sa Indonesia – nasa P650 per dose lang.

Imahe mula sa PNA

Aniya, fake news ang sinasabing P3,600 ang presyo ng vaccine mula sa China.

“Fake news ‘yung kumakalat na P3,600 per dose daw ang singil ng China. Ang ating presyo, bagama’t hindi pa puwedeng ianunsiyo talaga kung ano talaga ang presyo ng Sinovac ay hindi lalayo sa presyo ng Indonesia na bandang P650 kada turok,” sabi ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinaliwanag niya kung bakit ayaw ipaalam ng China ang presyo ng kanilang COVID-19 vaccine. Baka raw kasi magalit ang mga bansang hindi nito “BFF” (best friend forever) na nakabili ng bakuna sa presyong mas mahal.

Matatandaang nauna nang inanusyo ni Roque na nabili ng Pilipinas ang Sinovac vaccine sa presyong pang-BFF.

“Ang presyo kasi ng Tsina, hindi gaya ng ibang kompanya na kapitalista na market dictated. Ang presyo ng Tsina puwede nilang baguhin. Wala silang pakialam, depende kung sino ang bibili. ‘Yun ang dahilan kung bakit ayaw ipaanunsiyo mismo ng Tsina kasi nga baka magalit ‘yung hindi nila masyadong BFF na alam nilang bumili nang mas mahal,” paliwanag niya.

Screenshot mula sa PTV video

Muli rin niyang ipinagtanggol ang desisyon ng gobyerno na bumili ng bakuna na gawa ng Sinovac kahit nasa 50% lang ang efficacy rate nito.

“Doon sa Brazil napatunayang sa 50% na posibleng magka-COVID, 78% mild asymptomatic na hindi na kailangan magpatingin sa doktor, at 100% walang naoospital. ‘Di ba napakaganda rin noon? Bakit natin tatanggihan? Bakit tayo mag-aantay sa isa na darating pa sa end of the year? Kung nakakahawa na ang normal variant, mas nakakahawa ngayon. Bakit naman tayo magsusugal sa ating kalusugan samantalang nandiyan na ang proteksiyon?” aniya.

Imahe mula sa DW

Ayon pa sa kanya, sa 23 millon doses na inorder mula sa Sinovac ay 22,500,00 doses lang ang babayaran dahil ang 500,000 doses ay libreng ibinigay ng China bilang donasyon.

Loading…