QC magsasagawa ng contact tracing sa mga taong pumila sa harap ng studio ni Willie

Screenshot mula sa Twitter video ni Jervis Manahan/ABS-CBN News
  • Napilitang magsagawa ng contact tracing ang QC government sa mga taong pumila sa harap ng studio ni Willie Revillame
  • Hindi na kasi nasunod ang social distancing at ang iba ay walang suot na face mask at face shield
  • Lumalabas na naloko lang ang mga tao ng kumalat na Facebook post tungkol sa pamimigay ng cash gift at paglabas umano ni Willie 

Magsasagawa ngayon ng contact tracing ang pamahalaang-lungsod ng Quezon City sa mga taong pumila sa harap ng studio ni Willie Revillame sa pag-asang makatatanggap sila cash gift mula sa ‘Wowowin host’.

Dose-dosenang fans at tagasuporta ni Kuya Wil ang nag-umpukan at pumila sa harap ng Wil Tower sa Eugenio Lopez Drive nitong Miyerkules hanggang madaling-araw ng Huwebes matapos mabasa ang anunsiyo sa social media.

Screenshot mula sa Twitter video ni Jervis Manahan/ABS-CBN News

Lumalabas na hindi naman pala totoo ang kumalat sa Facebook na nagsasabing mamimigay ng pera at lalabas si Willie bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaniyang 60th birthday nitong Enero 27.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, nakikipag-ugnayan na sila sa tanggapan ni Willie upang makakuha ng listahan ng mga taong posibleng pumila sa pag-asang taon-taon ay halos pare-pareho naman ang pumupunta sa host upang makahingi ng tulong kapag kaarawan niya.

Kinumpirma rin ng alkalde na mayroon ngang perang ipinamahagi na lalo pang nagparami sa mga tao doon subalit hindi nagpakita si Kuya Wil.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

“The crowd swelled when money was being given out. I will ask his chief of staff to submit the names of their beneficiaries for contact tracing,” ani Mayor Belmonte sa text message sa CNN Philippines.

Kapag nakuha na umano nila ang listahan ay pupuntahan ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ang kanilang tirahan upang hikayatin na magpa-COVID test ang mga ito.

Marami naman ang nadismayang netizen matapos makita ang mga larawan ng taong pumila na lumalabas ay naloko lang pala ng post sa social media.

Screenshot mula sa Twitter video ni Jervis Manahan/ABS-CBN News

Karamihan kasi sa mga tao ay hindi na nasunod ang social distancing at iilan lang ang nakasuot ng face mask habang ang iba naman ay walang face shield.

Kinailangan pang puntahan ang lugar ng mga miyembro ngQuezon City Police District (QCPD) at opisyal ng barangay upang makontrol ang pagsisiksikan ng mga tao.

Dakong alas-3 na ng madaling araw ng Huwebes nang makumbinsi ang mga ito ng mga awtoridad na umuwi na lamang.

Loading…