Quezon City hiningi ang tulong ng mga madreng nurse para maging vaccinators

Imahe mula sa Quezon City government
  • Mga madreng nurse gagawing vaccinators sa Quezon City
  • Nanawagan din si Mayor Joy Belmonte sa mga graduate ng Nursing na hindi nurse ang trabaho na mag-volunteer upang madagdagan ang mga health personnel sa mga vaccination sites
  • Naglunsad ang city government ng mga webinars upang masagot ang mga katanungan ng mga residenteng may agam-agam sa pagpapabakuna kontra sa COVID-19

Napag-alaman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na maraming madre sa Simbahang Katoliko ang mga nurse kaya hiningi niya ang tulong ng mga ito upang maging katuwang sa vaccination program ng city government bilang mga vaccinators.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Joy Belmonte

Agad naman umanong nagpahayag ng kahandaang mag-volunteer ang mga madreng nurse upang madagdagan ang health personnel sa rollout ng vaccination program ng siyudad.

“Magandang balita din pala ng simbahan sa atin many of their nuns that work in the religious sector are nurses. So we are actually also asking the religious sector to provide health workers to help us address this particular issue,” pahayag ng alkalde sa isang press conference noong Huwebes, ika-28 ng Enero.

Ani Mayor Belmonte, malaking tulong ito na mapabilis ang kanilang vaccination campaign lalo na’t planong magdagdag ang city government ng mga vaccination sites.

Ang Diocese of Novaliches ay nag-alok na raw ng mga parokya na maaaring magamit na vaccination sites. Gayundin ang ilang malalaking unibersidad, kabilang ang Ateneo De Manila University na nag-alok ng kanilang tulong sa kampanya.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Joy Belmonte

“As soon as the plans have been beefed up with the church and with the academe, we are open to adding more vaccination centers,” wika ni Mayor Belmonte.

Nanawagan din ang alkalde sa mga graduate ng Nursing na hindi nagtatrabaho bilang nurse.

“Marami palang nurses that are not employed as nurses but working in various departments. So, sa mga private sector din ‘pag ‘yung mga sales girls ninyo o managers ninyo ay mga nurses, i-offer na rin ninyo sa atin para mas mapalawak natin ang mga hubs ng QC,” aniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Joy Belmonte

Naglunsad ang city government ng mga webinars upang masagot ang mga katanungan ng mga residenteng may mga agam-agam sa pagpapabakuna kontra sa COVID-19. Mga health experts ang sasagot sa kanilang mga katanungan.

Loading…