Quezon City nag-donate ng P100 million sa MMDA para sa elevated ramp ng EDSA Busway

Imahe mula sa PNA
  • Nag-donate sa MMDA ng P100 million ang Quezon City Government para sa elevated ramps ng EDSA Busway
  • Ang mga rampa ay ilalagay sa ibabaw ng mga U-turn slots na ipinasara
  • Sa oras na matapos ang mga elevated ramps ay muling bubuksan ang U-turn slots upang maibsan ang matinding trapiko na resulta ng pagsasara ng mga ito

Ipinahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maaari nang masimulan ang proseso para sa konstruksyon ng mga elevated ramps para sa EDSA Busway matapos nitong makakalap ng kakailanganing pondo.

Imahe mula sa MMDA

Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, nakausap na niya sina Department of Transportation Secretary Arthur Tugade, Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar at Quezon City Mayor Joy Belmonte hinggil sa pondo para sa proyekto.

“Sa mga U-turn slot, nakausap ko na po si Secretary Tugade. Nakausap ko na rin po si Secretary Mark Villar. And of course, nagpasabi po si Mayor Joy Belmonte. Sa kanilang tatlo po, napakabait po nila dahil nagkaroon po tayo ng funding para sa tinatawag kong elevated bus ramp,” pahayag ni Abalos na dating mayor ng Mandaluyong City.

Isandaang milyong piso ang donasyong ibinigay ng Quezon City Government sa MMDA para sa proyekto na ang layunin ay maibsan ang matinding trapiko sa ilang bahagi ng siyudad kung saan ang mga U-turn slots ay ipinasara upang maging tuluy-tuloy ang daloy ng mga bus na dumaraan sa EDSA Busway.

Imahe mula sa MMDA

Matatandaang nauna nang hiniling ni Mayor Belmonte na buksan ang mga isinarang U-turn slots sa Quezon City dahil sa pagsisikip ng trapiko.

“Ano po ito? Basta meron pong corner na merong U-turn slot na sinarado, magkakaroon po ng elevation, rampa po pataas. So pataas po itong mga bus para naman sa ganu’n, sa ilalim makapag-U-turn ang private vehicles,” wika ng MMDA chairman.

Sinabi pa ni Abalos na yari sa bakal ang gagawing rampa ng mga bus sa ibabaw ng U-turn slots.

Imahe maula sa MMDA

 

Loading…