Rehiyon sa Saudi Arabia, Algeria nakaranas ng snow

  • Nabalot ng niyebe ang ilang mga lugar sa Saudi Arabia at Algeria
  • Ikinagulat ito ng mga netizens dahil bibihira lamang itong mangyari
  • Bagama’t labis na mainit kapag tag-init at labis ang lamig kapag taglamig, hindi naman daw dumarating sa puntong nagkakaroon ng niyebe rito

Ang Saudi Arabia at Algeria ay mga bansang kilala sa pagiging isang disyerto at nagtataglay ng mainit na klima. Kaya naman isang pambihirang pagkakataong makarinig ng balita na mabalutan ng niyebe o snow ang alinman sa mga teritoryong lugar nito.

Subalit ganiyan nga ang nangyari sa mga bansang ito. Sa rehiyong Tabuk ng Saudi Arabia, nakararanas ngayon ng taglamig. Ang rehiyong ito na kadalasang nakararanas ng hanggang 50 degrees Celsius na temperatura, sa wakas ay nakapagtala ng nasa subzero temperature!

Imahe mula sa Twitter

Isang netizen na nagngangalang “Karim Bouchetata” ang nagbahagi naman ng mga kaganapan sa bansang Algeria.

“Frost paints beautiful paintings of the ain sefra dunes Algeria,” saad sa caption ng Facebook post ng netizen mula sa bansang Algeria.

Makikita nga sa mga larawan ang ilang mga bahagi ng Sahara Desert na nasa Algeria, na nababalot ng niyebe. Labis na ikinagulat ito ng mga residente dahil ito pa lamang daw ang ikaapat na pagkakataong nakaranas sila ng pagbalot ng niyebe sa nakalipas na mahigit apat na dekada!

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Wala talagang imposible sa mundo. Lahat maaari nang mangyari. Siguro dulot ito ng global warming,” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Galing na ko riyan dati, pero never nag-snow. Sayang! Naranasan ko diyan ang 7 degrees. Doble ang jacket at pantalon. Masakit sa balat kapag walang full face bonnet. Nagsusugat ang labi at mga daliri kapag hindi nilagyan ng petroleum jelly.”

Imahe mula sa Facebook account ni Karim Bouchetata

“Iyan ang misconception ng mga tao dito sa Saudi. Mainit talaga kung tag-init pero sobrang lamig din naman sa winter, hindi nga lang nagninyebe. Kaya nakagugulat na biglang nag-yelo, ibig sabihin super lamig!” pahayag naman ng isang Overseas Filipino Worker o OFW.

Kakaiba nga, hindi ba?

Loading…