Rider pinagpahinga ang 85 anyos na naglalako ng walis, ibinenta online ang paninda nito

Imahe mula sa Facebook | Benedict Jade Duran
  • Tinulungan ng isang delivery rider ang isang 85 anyos na lolo na naglalako ng mga panindang walis
  • Pinahinto niya ito sa paglalakad at saka ipinost sa social media ang paninda ni Tatay
  • Agad naman itong naubos kaya masayang nakauwi ang senior citizen

Isang 85 anyos na lolo na nagtitinda ng walis ang natulungan ng isang delivery rider na nakakita sa kaniya habang naglalako sa San Jose del Monte, Bulacan nitong Martes.

Kuwento ni Benedict Jade Duran, papunta siya sa isang mall sa Quezon City para sa rush order ng kaniyang customer nang madaanan niya si Tatay Jesus.

Imahe mula sa Facebook | Benedict Jade Duran

“Habang nagda-drive ako papuntang SM Fairview, nakita ko kaagad si Tatay na may bitbit na walis tambo na mahaba. Noong una, nilampasan ko siya tapos tiningnan ko siya sa salamin ng motor. Habang nakahinto ako, nagdadalawang-isip pa ako kasi may rush order talaga ko,” pag-amin ni Benedict.

Ngunit nangibabaw sa kaniya ang kagustuhan na makatulong sa kapwa kaya naman dali-dali niya itong binalikan.

Dito niya na nakilala si Tatay Jesus Nieves mula sa Rodriguez, Rizal. Tinanong niya ito kung magkano ang walis na kaniyang itinitinda at saka sinabi ritong huwag nang maglako at siya na ang bahalang magtinda ng mga ito.

“Sabi ko, ‘Tay, upo ka muna. Pahinga ka na. Ako na ang bahalang magbenta niyan,'” salaysay ni Benedict.

Ipinost niya sa isang group ang panindang walis ni Tatay Jesus. “Sino pong gusto ng walis na malaki? Gusto ko lang tulungan si Tatay,” sabi niya sa Facebook group na SJDM Food Express Delivery.

Imahe mula sa Facebook | Benedict Jade Duran

Marami namang customer ang bumili nito kaya sold out agad ang 10 pirasong walis na paninda ni Tatay Jesus.

“Buti may mga nakapansin sa post ko at naubos ‘yong paninda ni Tatay. ‘Yong ngiti ni Tatay nung binigay ko ‘yong pera, grabe ang sarap sa feeling nung tumawa siya at sinabing, ‘Nak, maraming salamat,'” ani Benedict.

Ipinahayag din ni Benedict ang kaniyang paghanga sa kasipagan ni Tatay Jesus. “Grabe si Tatay. Sa edad niya na 85 years old, nagbabanat pa rin siya [ng buto]. Saludo ako kay Tatay,” sabi niya pa.

Nagpasalamat din siya sa lahat ng mga bumili ng walis ni Tatay Jesus. “Maraming salamat din po sa mga umorder ng walis. Hindi po talaga kayo nagdalawang-isip na bilhin po ang walis ni Tatay.”

Sino pa nga ba ang magtutulungan? Saludo sa inyo, Tatay Jesus at Benedict!

Source :

Facebook

Loading…