Sana all: Ama suportado ang mga anak na mahilig sa computer games

Imahe mula sa Facebook | TJ Laurel
  • Suportado ng isang ama ang hilig ng kaniyang mga anak sa paglalaro ng computer games
  • Sinisigurado niya pa rin daw na hindi napababayaan ng kaniyang mga anak ang kanilang pag-aaral at mga gawaing-bahay
  • Aniya, balang araw ay magiging ganap na mga gamer at streamer ang kaniyang mga anak

Kung problemado ang ibang magulang dahil sa hilig ng kanilang mga anak sa computer games, todo suporta naman ang isang ama sa anim niyang anak na pawang mga gamer.

Imahe mula sa Facebook | TJ Laurel

Ibinahagi ni TJ Laurel sa Facebook group na Valorant PH ang larawan ng kaniyang mga anak na sabay-sabay naglalaro. “Suportado ko ang paglalaro ng mga anak ko. Basta tapusin lang ang gawaing-bahay at unahin ang pag-aaral. Bawal din ang bad words,” aniya.

Samantala, sa isang panayam naman sa Inquirer ay sinabi niyang sinuportahan niya ang hobby na ito ng mga anak dahil naisip niyang kailangan pa rin nila ng social life kahit pa virtual lamang ito dahil hindi naman nila nakasasalamuha ang kanilang mga kaibigan ngayong may pandemya.

“Bukod sa tatay bonding, need din ng mga friend ngayon. Hindi na sila lumalabas kaya kahit sa online man lang marami silang makilala, lalo na sa mga gaming,” sabi niya pa.

Imahe mula sa Facebook | TJ Laurel

Pagmamalaki niya pa, balang araw ay magiging ganap na gamers at streamers ang kaniyang mga anak. “Soon to be mga gamer ‘yang mga anak ko at soon, streamer din. ‘Wag lang silang manglait ng kalaro nila, ‘ACE’ sila sa akin,” dagdag ni TJ.

Marami naman ang natuwa sa ama. Sa kasalukuyan ay may mahigit 31k reactions at 12k shares na ang kaniyang post. Sabi ng netizens, nakatutulong na supportive ang mga magulang sa hilig ng kanilang anak.

“Mas okay ‘yan, daddy idol. At least nakikita mong nag-eenjoy at nasa bahay lang ang kiddos,” komento ni B. Piano.

Maganda nga namang bonding ito basta’t huwag pababayaan ang pag-aaral!

Loading…