Sec. Galvez inaming nasasaktan sa batikos ng katiwalian sa gobyerno: “I am honest”

Screenshot mula sa Heastart video
  • Inamin ni Galvez na nasasaktan siya sa mga batikos na kurakot ang mga tao sa gobyerno
  • Iginiit rin ng kalihim na marami pa namang matatapat na opisyal kabilang na siya
  • Sana raw ay maniwala ang publiko na ang kasalukuyang gobyerno ay hindi ‘corrupt’

Inamin ni vaccine czar Carlito Galvez na nasasaktan siya sa mga batikos tungkol sa diumano’y katiwalian ng mga opisyal na nakaupo sa gobyerno.

Sa panayam ng Headstart kay Galvez, tiniyak ng kalihim na ‘fair and square’ ang lahat ng mga ‘dealings’ ng pamahalaan pagdating sa pagbili ng bakuna lalo pa umano’t napakahirap ng mga requirements na hinihingi ng mga fund managers na Asian Development Bank (ADB) at World Bank (WB).

Screenshot mula sa Heastart video

“Sa atin po, gusto ko lang pong ipaalala sa ating mga mahal na mamamayan, marami pong mababait at saka very honest dito sa government service po natin. Huwag po nating anuhin na pag galing ka sa gobyerno, corrupt po ang mga tao. Minsan nakakasakit po ng damdamin,” ayon kay Galvez.

Ginawa ng kalihim ang pahayag bilang reaksiyon sa tweet ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson tungkol sa umano’y kurapsiyon sa mga bansa sa Southeast Asia.

“The difference in prices of Sinovac vaccine at US$5, US$14 and US$38 reminds me of an old story about how corruption is committed in three Southeast Asian countries – UNDER the table, ON the table, and INCLUDING the table,” ito ang ibinahagi ni Lacson sa kaniyang Twitter account.

Screenshot mula sa Twitter

Giit pa ni Galvez marami pa namang mga matatapat na tao sa gobyerno at kabilang siya rito.

“Sa amin, katulad kami ni Usec Mark Joven, magaling po ‘yan. Number 1 sa CPA ‘yan. Siya ang nag-aayos ng mga kontrata ng Pilipinas. He is honest and I am also honest,” dagdag pa ng opisyal.

Sana raw ay maniwala ang mga Pilipino sa sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang kasalukuyang gobyerno ngayon ay hindi ‘corrupt’.

Imahe mula sa CGTN

Nabatikos ang planong pagbili ng bakuna ng pamahalaan matapos lumabas sa mga ulat na lubhang mahal ang presyo ng Sinovac galing China kumpara sa presyo ng nabiling kaparehong bakuna ng bansang Indonesia.

Bagama’t ayaw pang isapubliko ni Galvez sa ngayon ang tunay na presyo ng mga bakunang bibilhin dahil sa non-disclosure agreement, tiniyak nito na malalaman ng mamamayan ang katotohanan sa tamang panahon.

Loading…