Sen. Angara nilinaw na galing sa DOH ang presyo ng mga bakuna na isinapubliko niya noon

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Galing sa DOH ang presyo ng mga bakunang isinapubliko ni Senador Angara
  • Ibinigay lamang umano ito sa kaniya ng kagawaran noong Nobyembre
  • Ginawa ni Angara ang paglilinaw sa gitna ng mga batikos na masyadong mahal ang Sinovac vaccine na bibilhin ng Pilipinas sa China

Nilinaw ni Senador Sonny Angara na galing sa Department of Health (DOH) ang listahan ng mga presyo ng COVID-19 vaccine na kaniyang isinapubliko noong nakaraang buwan.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee of the Whole tungkol sa vaccination program ng gobyerno nitong Huwebes, sinabi ng mambabatas na ang listahan ay ibinigay sa kaniya ng DOH noong Nobyembre at wala siyang nakakausap na mga manufacturers ukol dito.

Imahe mula sa Twitter

“These were furnished to our office and the Senate Committee on Finance during the budget deliberations around late November, early December by the Department of Health,” paglilinaw ni Angara.

“We have no personal knowledge of these prices and we have not contacted the manufacturers,” giit ng senador.

Ginawa ni Angara ang naturang pahayag sa gitna ng mga batikos na masyadong mahal ang Sinovac vaccine mula China na pinapaboran ngayon ng pamahalaan kumpara sa ibang mas murang COVID vaccine na mataas pa ang efficacy.

Sa listahang ibinahagi ni Angara noong Disyembre, ang Sinovac ay nagkakahalaga P3,629 para sa dalawang doses. Mas mahal ito kumpara sa Pfizer-BioNTech (P2,379); Gamaleya (P1,220); COVAX Facility (P854); AstraZeneca (P610); at Novavax (P366).

Pumapangalawa lamang ito sa mas mahal na Moderna na nagkakahalaga ng P3,904 hanggang P4,504 para sa dalawang doses.

Imahe mula sa Nikkei Asia/CGTN

Kaugnay nito, binuweltahan naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga kritiko ng gobyerno na bumabatikos at namamahalan sa presyo ng Sinovac vaccine na bibilhin ng Pilipinas sa China.

Ani Roque, “Iyong mga kritiko ng gobyerno talaga, tira ng tira wala namang mga alam.”

“In fact, sa anim o pito na bibilhin natin, nasa gitna po ang presyo ng Sinovac. Hindi po siya ang pinakamahal, mayroon pang 2 brand na mas mahal kaysa po sa Sinovac,” dagdag pa nito.

Samantala, sinabi naman ni Senador Juan Miguel Zubiri na posible silang magkaroon ng executive sa Senado upang tanungin ang mga opisyal sa tunay na presyo ng mga bakunang bibilhin.

Loading…