Sen. Bato Dela Rosa, pinasalamatan ang PSG members na gumamit ng unregistered COVID-19 vaccine

Imahe mula sa Senate of the Philippines
  • Pinasalamatan ni Sen. Bato Dela Rosa ang mga PSG members na nagpaturok ng unregistered COVID-19 vaccine
  • Ang tanging nasa isip umano ng mga ito ay protektahan si Pangulong Rodrigo Duterte
  • Sabi ng senador, wala namang batas na nagbabawal na magpabakuna

Sa kabila ng pagkondena ng ilang mambabatas sa ginawang pagbabakuna ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) gamit ang unregistrered COVID-19 vaccine, pinasalamatan naman ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga ito dahil sa ginawang sakripisyo.

Imahe mula sa PCOO

Isinakripisyo umano ng mga ito ang kanilang kaligtasan nang gawin nilang “guinea pigs” ang kanilang sarili para maturukan ng COVID-19 vaccine na hindi pa rehistrado at aprubado ng Food and Drug Administration para lang maprotektahan si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Nagpapasalamat nga tayo sa kanila dahil ginawa nilang guinea pig ang sarili nila. Kanya-kanyang desisyon na ‘yan, kung gusto nila o hindi, ‘wag nating gawan ng issue ‘yung mga bagay na ‘yan dahil personal nila ‘yan,” ani Senator Dela Rosa.

Wala naman umanong nilabag na batas ang tropa ng PSG sa ginawang pagpapainiksyon.

“Personal na desisyon mo na iyan kung ano’ng gawin mo sa buhay mo, lalo’t wala pa tayong gamot sa COVID-19 at iyong bakuna ay hindi pa institutionalized. Wala namang batas na bawal kayong magpabakuna,” paliwanag niya.

Imahe mula sa PCOO

Sakaling alukin siya na mainiksyunan ng unregistered COVID-19 vaccine, sinabi ni Sen. Dela Rosa na pag-iisipan raw niya kung tanggapin iyon.

“Pag-isipan ko. FDA-approved or hindi, buhay ko ito. Wala akong pakialam diyan sa FDA, kung approved nila o hindi ‘yan basta buhay ko nakasalalay, I have to decide for my own life. Halimbawa, approved na sa China, hindi pa approved sa FDA natin, kung approved na sa China, siyempre may sariling FDA ang China, ang FDA natin more on formality na lang iyan . . . Kung ito’y ginagamit na sa lugar nila, bahala na kayo d’yan, desisyon ko na kung ibakuna ko o hindi,” aniya.

Imahe mula sa Pixabay

Kung papipiliin, sinabi ng senador na mas gusto niya ng COVID-19 vaccine na mayroong highest efficacy rate kahit pa ito’y mas may kamahalan.

Source :

Inquirer, ABS-CBN

Loading…