Sen. Gordon sa PSG chief dahil sa kontrobersiyal na vaccination: “He should consider resigning”

Imahe mula sa ABS-CBN News/Facebook
  • Dapat ay ikunsidera umano ni Durante ang pagre-resign dahil sa nabulgar na COVID vaccination sa PSG
  • Ito ang suhestiyon ni Senador Gordon na nagsabing may pananagutan sa batas ang PSG chief
  • Naniniwala rin ang senador na may mga taong tumulong sa PSG para makakuha ng bakuna

Para kay Senador Richard Gordon, dapat ay isaalang-alang ni Presidential Security Group (PSG) commander Brigadier General Jesus Durante III ang pagbibitiw sa tungkulin matapos mabulgar ang kontrobersiyal na COVID vaccination sa kanilang unit.

Isa raw kasing paglabag sa batas ang pag-apruba ni Durante na mabakunahan ang kaniyang mga tauhan ng isang COVID-19 vaccine na hindi pa rehistrado sa Food and Drugs Administration (FDA).

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Gordon

Ayon kay Gordon, hindi sapat na dahilan ang ‘good faith’ para maging depensa laban sa isang paglabag lalo pa’t maituturing na isang ‘smuggled item’ ang ginamit na bakuna ng PSG.

“Siyempre ikaw ang commanding officer, dapat sasabihin mo sa tao mo na hindi kita ipapahamak. E kung napahamak ang mga tao dahil hindi naman dumaan sa proseso?” ani Gordon sa panayam ng GMA News.

Kung sakali raw kasing may nangyari sa isa sa mga PSG, lalabas na posibleng makasuhan ng homicide si Durante.

“So ang sinasabi ko, dapat I think dahil na-violate niya yung law, he should consider resignation,” giit ng senador.

“But I think being the gentleman that he is, I don’t even know him, and I’m not saying he should resign, I’m saying he should consider it. Because sa kanya ipapataw yun eh. Ngayon, siya naiipit, ‘di ba?” dagdag na pahayag ni Gordon.

Ang maganda raw sanang ginawa ni Durante, patuloy pa ni Gordon, ay humingi ng approval sa FDA at sabihing kahit ‘for emergency use’ lamang ang bakuna dahil kailangan nilang protektahan ang presidente.

Imahe mula sa PCOO

Bagama’t hinahangaan ni Gordon ang loyalty ni Durante sa Pangulo, hindi raw ito dahilan para lumabag ang PSG chief sa batas.

Naniniwala rin si Gordon na may mga taong tumulong sa PSG para makakuha ng bakuna at hindi kapani-paniwala na ‘out of their own initiative’ lamang ang hakbang na kanilang ginawa.

Magugunitang inamin kamakailan ni Durante na nakakuha sila ng ‘libreng bakuna’ subalit tumanggi itong ibahagi kung sino ang kanilang donor.

Loading…