“Shadow Talent Center” naging dahilan umano ni Johnny Manahan sa pagbibitiw sa Star Magic, ABS-CBN

Public Domain Image
  • Inilahad na ni Johnny Manahan ang naging dahilan niya kung bakit siya umalis sa Kapamilya Network
  • Dahil daw ito sa isyu niya sa “shadow talent center” sa loob ng network
  • Nasasagasaan daw nito ang trabaho o layunin nila sa Star Magic na maghulma ng mga aspiring talents

Tahasang sinagot ng dating Chairman Emeritus ng Star Magic na si Mr. Johnny Manahan, o kilala sa tawag na “Mr. M,” ang dahilan kung bakit niya nilisan ang ABS-CBN, gayundin ang talent-arm management nito, sa halos 40 taong pamamalagi rito bilang tagahulma ng mga pinakasikat at pinakamalalaking artista ng Kapamilya Network, at maging sa buong bansa na rin.

Hindi raw ang pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN, o ang pag-offer sa kaniya na idirehe ang “Sunday Noontime Live” ng Brightlight Productions (na napanood sa TV5) ang naging dahilan nito. Ito raw umano ay nag-ugat sa ilang mga suliranin hinggil sa Star Magic at pagkakaroon ng “shadow talent center” sa ABS-CBN.

Public Domain Image

Ayon sa inilabas na panayam ng Philippine Entertainment Portal o PEP kay Mr. M, ang isang malaking nag-udyok sa kaniyang bumitiw sa puwesto ay ang pagtayo ng “shadow talent center” na hiwalay sa Star Magic, na dinala niya sa pamunuan ng ABS-CBN upang ayusin. Tatlong taon na raw niyang idinudulog ito sa pamunuan ng network subalit tila wala raw aksyon o intervention dito.

Pakiramdam daw ni Mr. M at ng staff ng Star Magic ay unti-unting nawawalan ng pool of talents ang kanilang ahensiya dahil dito.

“There’s a shadow talent center in ABS-CBN, and they have their own managers and they manage their own stars. The people from the Pinoy Big Brother, we expected to manage these people after they come out of the house. But no, they set up their own organization. It was like a counter organization,” prangkang saad ni Mr. M. Ang Pinoy Big Brother o PBB ay ang franchised-reality show ng network mula sa Endemol.

May inilunsad din ang pamunuan ng PBB na “Star Hunt” — ang audition caravan ng ABS-CBN, na layuning maging “one-stop shop” para sa auditionees na maaaring isabak sa iba’t ibang reality shows ng network.

Public Domain Image

Pakiramdam daw ni Mr. M na “nasasagasaan” na ang layunin ng Star Magic, na ahensiyang dapat na mamahala sa mga aspiring talents.

“I said, ‘Yeah, that’s not too nice. That makes us irrelevant.’ Maybe they’re trying to make us irrelevant. I took this up with higher management. Nothing happened for two years. Nothing happened for three years.” We brought it up to highest management and nothing happened,” pag-amin pa ni Mr. M.

Nami-miss daw niya ang mga panahong nasasabi niya ang mga ganitong bagay sa mga dating President at Chief Executive Officer o CEO ng ABS-CBN tulad nina Sir Freddie M. Garcia (FMG) at Ms. Charo Santos-Concio na inilarawan niya bilang “leaders with high ethical standards.”

“I miss the days when FMG and Charo were around. Because of their high ethical standards, they would have done something about it,” giit pa ni Mr. M.

At iyon na nga ang nagtulak kay Mr. M upang umalis sa poder ng Kapamilya Network. Pinalitan siya ni Direk Laurenti Dyogi na nakilala bilang head director ng PBB.

Public Domain Image

Samantala, wala pang pahayag ang pamunuan ng ABS-CBN hinggil sa mga rebelasyong ito mula kay Mr. M.

Source :

PEP, MSN, Esquire

Loading…