Sinas okay na sa kasalukuyang termino ng mga PNP chiefs

Police Gen. Debold Sinas| Imahe mula sa PNP Facebook
  • Okay na si General Debold Sinas sa kasalukuyang termino ng mga PNP chiefs
  • Aniya, ito ay para mapagbigyan naman ang ibang opisyal ng kapulisan
  • Si Sinas ay nakatakdang magretiro sa Mayo 2021 matapos ang wala pang kalahating taon sa serbisyo

Para kay PNP chief General Debold Sinas, kuntento na umano siya sa kasalukuyang termino ng hepe ng kapulisan para naman daw mapagbigyan ang iba pang opisyal nito.

Ginawa ni Sinas ang pahayag matapos tanungin ni Senador Richard Gordon kung payag siyang gawing fixed na dalawang taon na ang bawat termino ng mauupong chief ng PNP. Plano raw kasi ng senador na maglatag ng batas para dito.

Imahe mula sa PNP

“Salamat po sir pero okay na po ako, sir, sa time ng pagserbisyo ko po, sir, para mapagbigyan naman po ‘yung iba,” sagot ni Sinas sa tanong ni Gordon.

Si Sinas ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte para pamunuan ang PNP noong Nobyembre. Nakatakda siyang magretiro sa Mayo 2021 pagsapit ng kaniyang ika-56 na kaarawan ayon sa batas.

Wika ni Gordon, halos ilang buwan lang mananatili sa puwesto si Sinas at kailangan nitong mag-iwan ng marka sa kaniyang serbisyo bilang PNP chief.

“What we could assure you, ‘yung long-term programs namin hindi po namin pinabayaan po ‘yan. Kumbaga we are already institutionalizing at kung sino man po ang maging chief PNP as long as the policies are laid out, tuloy-tuloy po ‘yan,” paliwanag ni Sinas.

Imahe mula sa Facebook- PNP

Giit muli ni Gordon, mas mahalaga ang pangangailangan ng publiko sa mas stable na leadership sa PNP kaysa sa pangangailangang pagbigyan ang ibang opisyal na makaupo sa puwesto.

“In other words, ang policy is pagbigyan naman natin ang ibang kaklase natin? Pero ang dapat pagbigyan ‘yung madla, ang ating mga kababayan,” ayon sa senador.

Si General Sinas na ang ikalimang PNP chief sa ilalim ng administrasyong Duterte na kinabibilangan nina Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na nagbitiw noong 2018; Oscar Albayalde, Archie Gamboa at ang kaniyang pinalitan na si Camilo Cascolan.

Loading…