Sotto itinangging nabayaran siya sa pagbuhay sa ABS-CBN franchise bill

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Itinanggi ni Sotto na nabayaran siyas a pag-revive ng ABS-CBN franchise bill
  • Napansin niya raw kasi ang pagbaba ng kalidad ng mga programa sa TV simula nang magsara ang Kapamilya network
  • Maliban kay Sotto, nagpahayag na rin ng suporta sa kaniyang panukala ang 13 pang senador

Mariing itinanggi ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na nabayaran siya para buhayin ang panukalang magbibigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN.

Sa panayam kay Sotto sa DWIZ nitong Sabado, dinepensahan ng mambabatas ang kaniyang inihaing Senate Bill No. 1967 na naglalayong muling bigyan ng prangkisa ang Kapamilya network sa susunod na 25 taon.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

“Hindi n’yo naman alam ang intensiyon banat kayo nang banat. May nagsabi pa na baka raw binayaran kami. Ako ay hindi nabayaran ng kahit sino sa kahit anong batas,” giit ng pangulo ng Senado.

Ayon pa sa senador, napansin niya ang pagbaba ng kalidad ng mga programa sa telebisyon simula nang magsara ang ABS-CBN noong Hulyo.

“Biglang napalitan, mga naging anime, mga soap, at saka mga pelikula ng Koreano para bang nawalan ng competition. Sabi ko ‘pag ganyan, ibalik na lang nila ABS, ‘di ba, para may healthy competition pa rin,” paliwanag ni Sotto.

Para sa kaniya at mga kapwa senador, senyales o ‘smoke signal’ umano ito na panahon na para pag-aralan nila ang sitwasyon dahil hindi maganda ang nangyayaring kompetisyon ngayon.

Imahe mula sa ABS-CBN

Sa kaniyang naunang pahayag, sinabi ng mambabatas na may mas magandang tsansa ngayon ang ABS-CBN dahil sa bagong liderato at mga opisyal sa Kamara.

Samantala, maliban kay Sotto, labintatlong senador pa ang nagpahayag ng suporta sa panukalang ibalik ang prangkisa ng kumpanyang pag-aari ng pamilya Lopez.

Ito ay kinabibilangan nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Majority Leader Juan Miguel Zubiri,  Minority Leader Franklin Drilon, at sina Panfilo Lacson, Sonny Angara, Sen. Nancy Binay, Sherwin,  Gatchalian, Richard Gordon, Manuel “Lito” Lapid, Manny Pacquiao, Joel Villanueva, Risa Hontiveros at  Francis Pangilinan.

Nangako rin si Batangas Rep. Vilma Santos-Recto na maghahain siya ng katapat na panukala sa Mababang Kapulungan.

Loading…