Subscribers maaari nang panatilihin ang number kahit magpalit ng network simula Setyembre 30

Imahe mula sa The Irish Times
  • Maaari nang gamitin ng mga subscribers ang kanilang kasalukuyang numero kahit pa magpalit ng network
  • Ang batas para dito ay ipatutupad na simula sa darating na Setyembre 30 ngayong taon
  • Libre ito maliban na lamang kung may naiwan pa silang bayarin sa dating kontrata

Ipatutupad na simula sa Setyembre 30 ngayong taon ang Republic Act No. 11202 o mas kilala bilang Mobile Portability Act kung saan maaari nang gamitin ng mga mobile subscribers ang kasalukuyan nilang numero kahit pa lumipat sila ng network o service provider.

Sa ginanap na Senate hearing nitong Miyerkules, sinabi ng National Telecommunications Commission (NTC) na nakatakda na sana itong ipatupad sa first quarter ng 2021 subalit naantala nang bahagya dahil sa pandemya.

Imahe mula sa Gadget Match

Sa ilalim ng RA 11202, na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019, pinagbabawalan na ang mga telcos na i-lock ang mga devices sa kanilang network maging ito man ay bayad na o nasa service contract pa.

Pinapayagan na ring gamitin ng mga subscibers ang kanilang kasalukuyang numero kahit magpalit sila ng network o lumipat mula postpaid patungong prepaid o vice versa. Para gawin ito, kailangan lamang magsumite ng tinatawag na ‘porting application’.

Wala ring sisingilin ang mga network sa mag subscribers para dito maliban na lamang kung may babayaran pa sila sa kontratang naiwan.

Imahe mula sa Facebook

Tinanggal na rin ng batas ang interconnection fees na sinisingil para sa mga tawag at text sa ibang service providers.

Ibinahagi rin ng NTC na bumuo na ang tatlong telcos – Smart-PLDT, Globe at DITO Telecommunity –  ng isang pribadong entity na siyang mangangasiwa sa pagpapatupad ng interoperability ng mga network.

Ang binuong Telecommunications Connectivity Inc. consortium ay pamamahalaan ng US-based company na Syniverse Technology bilang mobile number portability service provider.

Loading…