Superstar Nora Aunor gaganap na kontrabida sa pelikula sa unang pagkakataon

Image by Nora Aunor via Facebook
  • Sa kauna-unahang pagkakataon, Superstar Nora Aunor gaganap na kontrabida sa pelikula
  • Ani Nora, kasinghalaga ng bida ang kontrabida para mabuo ang isang magandang pelikula
  • Ito raw ang kauna-unahan at huling pagkakataon na gaganap siyang kontrabida sa pelikula

Gaganap na kontrabida sa kauna-unahang pagkakataon sa pelikula si Superstar Nora Aunor.

Image by Nora Aunor via Facebook

Gagampanan kasi ni Nora ang title role sa pelikulang “Kontrabida” na patungkol sa buhay ng aktres na nagngangalang Anita, na ang onscreen persona ay nagme-merge sa kanyang tunay na buhay.

“Masaya ako, ‘di ko maipaliwanag kung ano ang nararamdaman ko ngayon. Masaya, excited, dahil makakasama ko ngayon ang mga dati kong nakasama,” anang Superstar.

Pagpapatuloy nito, excited siya yamang ididirihe ito ni Direk Adolf Alix at producer na si Joed Serrano.

Kabado rin daw siya dahil sa mga mahuhusay na artistang makakasama niya kagaya nina Bembol Roco, Rosanna Roces at Jaclyn Jose. “Kinakabahan ako, sa totoo lang. Kinakabahan ako.”

Pahayag ng 67-year-old actress, kasinghalaga ng bida ang kontrabida para mabuo ang isang magandang pelikula.

“Kung walang kontrabida, walang bida, kaya kailangan natin ng kontrabida sa isang pelikula para magkaroon ng bida. Kasi baka magsawa kaagad ang tao ‘pag bida lang ang napapanood nila. Kailangan may kumontra. Sa lahat ng bagay kailangan may kumokontra.”

Pero, ani Ate Guy, ito na ang kauna-unahan at huling pagkakataon na gaganap siyang kontrabida sa pelikula. Matatandaang gumanap na siya bilang kontrabida sa TV sa pamamagitan ng Makulay Na Daigdig ni Nora na umere mula 1974 hanggang 1979.

Image by Nora Aunor via Facebook

Wika ni Direk Adolf, kagyat na tinanggap ni Nora ang offer. “Sabi niya first time niyang makakagawa ng all-out kontrabida role, dahil ‘yung mga dati puro gray roles na character. Excited siya dito and I am glad she is taking the risk.”

Hindi base sa tunay na buhay ang “Kontrabida” pero magbabalik umano ito sa panahon ng mga sikat na kontrabida kagaya nina Bella Flores, Rosa Rosal at Zeny Zabala.

Image by Nora Aunor via Facebook

Panoorin ang presscon mula sa Nora Aunor Official YT channel:

Loading…