Tatay mag-isang nagdiwang ng birthday sa fastfood; simpleng handa ipinakita sa pamilya sa pamamagitan ng tawag

Imahe mula sa Facebook ni Trixie Ann Eras Manuel
  • Isang tatay ang nag-celebrate ng kaniyang birthday sa isang fastfood mag-isa
  • Ipinakita lamang niya ang kaniyang handa sa pamilya sa pamamagitan ng tawag
  • Marami naman ang nalungkot at naantig ang puso sa kuwento ni Tatay

Naantig ang mga netizens sa kuwento ng isang tatay na mag-isang nagdiwang ng kaniyang kaarawan sa loob ng fastfood habang kausap lamang ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng telepono.

Ibinahagi sa Facebook ni Trixie Ann Eras Manuel ang malungkot na kuwentong ito na nakunan pa niya ng ilang larawan sa loob ng isang fastfood chain kamakailan.

Imahe mula sa Facebook ni Trixie Ann Eras Manuel

“Sobra akong nalungkot nang makita namin si Tatay sa isang fast food chain. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko sapagkat ngayon lamang ako naka-saksi ng ganitong uri ng pangyayari sa buong buhay ko,” bahagi ng netizen.

Sa mga larawang ibinahagi ni Trixie, makikita si Tatay na nakaporma at bakas din sa kaniyang mukha ang kasiyahan, kahit pa mag-isa lamang siya.

Imahe mula sa Facebook ni Trixie Ann Eras Manuel

“Akala ko sa mga drama lang nangyayare ito pero hindi! Sine-celebrate ni Tatay ang kanyang ika-69 taon nang mag-isa at walang kasama,” wika ni Trixie.

Makikita sa mesa ang isang cake na may sinding kandila at isang order ng pagkain habang nagpapakuha ng larawan si Tatay. Kinausap niya rin ang kaniyang pamilya sa cellphone habang ipinakikita sa kanila ang kaniyang simpleng handa.

“Habang ipinapakita ni Tatay ang kanyang handa sa kanyang asawa’t mga anak sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono hindi ko alam kung anong lungkot ang bumabalot sa aking puso,” ayon pa sa netizen.

Kaagad namang umani ng pagbati si Tatay mula sa mga social media users na nadurog ang puso sa kaniyang kuwento.

Imahe mula sa Facebook ni Trixie Ann Eras Manuel

Nag-viral na rin ang Facebook post na ito ni Trixie na ngayon ay mayroon nang mahigit 37,000 reactions, 1,200 comments at 25,000 shares. Mayroon ding mga naalala ang kanilang sariling ama dahil sa post na ito.

“Para sa iyo Tatay nawa’y bigyan ka pa ng panginoon ng lakas para sa mga pagsubok na haharapin mo pa sa buhay. Mag-iingat ka po lagi Tay MALIGAYANG KAARAWAN PO SA IYO TATAY AT PAGPALAIN KA,” dagdag pa ni Trixie.

Tatay, maging sino ka man at maging nasaan man ang iyong pamilya, Happy Birthday po at sana ay patuloy kayong pagpalain ng Maykapal!

Source :

Facebook

Loading…