Telcos pumalag sa planong pagtanggal sa prepaid load expiry

Imahe mula sa MyBenta
  • Tutol ang Globe at Smart sa panukalang tanggalin ang expiration sa prepaid loads
  • Makasisira umano sa sytem bukod pa sa mabigat na ‘carrying cost’ na katumbas nito
  • Nangako naman ang Senado na pag-aaralan ang patakarang ito ng mga telcos

Tutol ang mga telecommunication company na Globe at Smart sa planong pagtanggal sa expiration ng mga prepaid load dahil sa diumano’y epekto nito sa kanilang ‘system maintenance’.

Ayon kay Globe head of policy division, corporate and legal services Ariel Tubayan, ang pagtanggal sa expiration ng load ay makaaapekto rin sa kakayahan ng mga telco para mag-alok ng promo, bukod pa sa dagdag-gastos din ito dahil sa ‘carrying cost’.

“It is a limited rollout and it’s a limited number of subscribers because that is only the number of subscribers that are capacitized by the system,” paliwanag ni Tubayan sa ginanap na Senate hearing nitong Miyerkules.

Sang-ayon rin dito ang Smart-PLDT na nagsabing maging ang National Telecommunications Commission (NTC), Department of Information and Communications Technology (DICT), at ang Department of Trade and Industry (DTI) ay kinikilala ang bigat na gagastusin ng ‘carrying cost’.

Kapag tinanggal raw ang expiration sa prepaid load at credits, baka mabilaukan ang network at magresulta sa mas mataas na system maintenance.

Imahe mula sa Smart

“The compromise between the carriers, DTI, NTC, and DICT way back in December 2017 was really to come up with a load period so interest would be balanced,” ayon naman kay Roy Ibay, Smart Vice President for legal and regulatory group.

Nangako naman si Senate public services chairperson Sen. Grace Poe na bubusisiin nila ang patakarang ito ng mga telco dahil marami na raw silang reklamong natatanggap tungkol sa nag-e-expire ang load sa loob lamang ng isa hanggang tatlong araw.

“Ang bagal at ang mahal na nga ng internet, nag-e-expire pa,” ani Poe.

Gayunpaman, pag-aaralan umano nila kung paano babalansehin ang kapakanan ng publiko at ang posibilidad na maaaring masira ang database ng mga telco na puno ng mga registered numbers, kabilang na yaong mga inactive na.

Loading…