Tone-toneldang mas murang gulay mula sa Central Luzon ipinasok sa Metro Manila

Imahe mula sa DA
  • Umabot na sa 90 tonelada ang mga gulay na dinala ng mga Central Luzon farmers sa Metro Manila
  • Halos araw-araw ay nagbabagsak ang grupo ng mga magsasaka sa Bulacan ng murang gulay sa Balintawak
  • Sinabi ni Sec. Dar na ang mga produkto mula sa iba pang mga kalapit na probinsya ay dadalhin sa Metro Manila at ipakakalat sa iba’t ibang palengke upang ma-stablize ang presyo ng mga agricultural products

Sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture (DA), nagsimula na ang mga vegetable farmers mula sa Central Luzon, partikular na sa Bulacan, na regular na magbiyahe ng mas affordable nilang mga aning gulay sa Metro Manila.

Imahe mula sa DA

Ayon kay Daisy Duran, chairperson ng Bulacan Farmers’ Agricultural Cooperative, umabot na sa siyamnapung tonelada ng sari-saring gulay ang nailuwas nila sa Maynila. Aniya, halos araw-araw ay nasa Balintawak sila upang ibagsak doon ang kanilang mga ani.

“Halos araw-araw po ay nandito kami sa Balintawak para magdala ng produkto, dahil tuluy-tuloy na ang pag-harvest ngayon simula noong maka-recover kami sa bagyo. Ito na po ang mga produkto na dinadala namin sa buong Metro Manila,” aniya.

Umaasa si Duran na mararamdaman na ng mga mamimili ang pagbaba ng presyo ng mga gulay. Nanawagan din siya sa mga traders o biyahero na huwag samantalahin ang pandemya at mga dumaang kalamidad para taasan ang presyo ng kanilang mga produkto.

Imahe mula sa DA

“Sana naman po ay maramdaman ng mga consumers na bumaba na ang presyo ng mga produkto at huwag naman samantalahin ng mga traders,” wika ni Duran na nagsabing mas mura na ngayon ng hanggang 60% ang presyo ng mga gulay kumpara noong mga nagdaang buwan.

“Umasa po kayo na tuluy-tuloy ang aming produksyon. Kung gusto n’yo po ng murang gulay, may mga Kadiwa outlets po kung saan ang direktang nagtitinda ay mga grupo ng magsasaka at hindi napapatungan ang presyo,” dagdag pa niya.

Imahe mula sa DA

Sinabi naman ni Agriculture Secretary William Dar na simula pa lang ito dahil ang iba pang mga produkto mula sa mga kalapit na probinsya ay dadalhin sa Metro Manila at ipakakalat sa iba’t ibang palengke para ma-stablize ang presyo ng mga agricultural products.

Loading…