Top 10 young artists ng Nationwide Youth Artwork Online Competition pinangalanan na

  • May top 10 young artist na ang “Nationwide Youth Artwork Online Competition” 
  • Mula sa top 10 ay pipili naman ng top 3 na makatatanggap ng pagkilala at cash prizes
  • Ang paligsahan na ito para sa mga Filipino young artist ay inilunsad ng isang non-profit group na “Kilusang Kreatives”

Pinangalanan na ang 10 pinakamahuhusay na entry na ginawa ng mga young artists na lumahok sa “Nationwide Youth Artwork Online Competition” na may temang “Kabataan Laban sa COVID-19 Pandemic” na inilunsad ng  TKP-Kilusang Kreatives; isang non-profit group na naglalayong itampok at ipanatili ang diwang patriyotismo sa kabataang Pilipino sa pamamagitan ng sining at pagkamalikhain.

Inilunsad ang naturang paligsahan sa buwan ng kapanganakan ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, at ang mga pinal na 10 kalahok naman ay inihayag na noong Disyembre 30, 2020, mula sa 150 kabataang Pilipino na nagpasa ng kanilang mga likhang-sining.

Imahe mula sa Facebook page ng Kilusang Keatives

Mula sa 150 na entries, pumili ng 47 mahuhusay na likhang-sining, at mula naman rito ay pumili pa ng 10 pinakamahuhusay para sa pinal na paggawad ng gantimpala.

Mula naman sa 10 pinal na kalahok ay pipili pa ng Top 3 na siyang makatatanggap ng pagkilala at cash prizes.

Bubuksan naman sa publiko ang pagpili sa Top 3 sa pamamagitan ng public votes sa Kilusang Kreatives’ Facebook audience, na may 30% para sa pamantayan ng pagmamarka hanggang sa huling deliberasyon.

“Let’s boost positivism and inspire hope, we believe the Filipino Youth can! Thru creativity the youth can show the whole world the significance of the lifetime call of Gat Dr. Jose Rizal Kabataan ang Pag-asa ng Bayan,” mensahe ng nagtatag ng Kilusang Kreatives na si Engr. Joey Mosqueda.

Ang Top 10 young artists na maglalaban-laban sa Final 3 ay sina Al Rasir Baguinda mula sa Panacan, Davao City, Marianne Faith Aviso mula sa Palo, Leyte, Ma. Laura Baclig ng Darangan Binangonan, Rizal, Jun Ivanne Dalman ng Barangay Looc, Calamba City, Laguna, at Mark Jerald De Asis ng Barangay Mamplasan, Binan City, Laguna.

Imahe mula sa Facebook page ng Kilusang Keatives

Sumunod ay sina Jerwin Ferrer ng Tanay, Rizal, Shalen Galocgoc ng Labangon, Cebu City, Joshua Pabillore ng  Mambahao, Camiguin sa Hilagang  Mindanao, Jon Angelo Pagulayan mula sa Pines City, Antipolo City, at Constantin Sadumiano mula sa Teresa Homes, Tarlac City.

Magtungo lamang sa opisyal na Facebook page ng “Kilusang Kreatives” upang malaman ang mga hakbang sa pagboto para sa napipisil na likhang-sining ng mga nabanggit na kalahok.

Loading…