Vice Ganda inalala ang humble beginnings sa mga regalo sa pamilya

Imahe mula sa video ni Vice Ganda via YouTube
  • Inalala ni Vice Ganda ang kaniyang pinagmulan sa pamamagitan ng pagbibigay ng payak na regalo sa kaniyang pamilya
  • Maya-maya ay binigay niya rin naman ang tunay na regalo niya sa mga ito
  • Ani Vice, dahil sa pandemya ay napagtanto niya ang kahalagahan ng pagpapakita ng pagmamahal sa kaniyang pamilya habang may oras pa

Bilang pagbabalik-tanaw sa mga panahon bago maging isang sikat na komedyante ay niregaluhan ni Vice Ganda ang kaniyang mga kaanak ng payak na mga bagay bago ibigay sa kanila ang engrandeng Christmas gifts para sa kanila.

Una niyang inabutan ang pamangkin niyang si Camille na nakatanggap ng underwear. “Kaya kita binigyan ng panty, ‘yan ang unang panty ko – So-en. ‘Yan lang muna for now,” ani Vice na ipinaliwanag na babawi na lang siya sa susunod na taon.

Imahe mula sa video ni Vice Ganda via YouTube

Pinabuksan niya sa pamangkin ang regalo at dito ay nakita niya ang mamahaling mga hikaw.

Sumunod naman ang isa niya pang pamangkin na si Christian na binigyan niya naman ng foot socks. Sa loob ay may laman naman itong kwintas. Ganito rin ang naging pakulo ni Vice sa kaniyang mga kapatid na sina Dr. Tina at Babot.

Samantala, tissue naman ang naging regalo niya para sa kaniyang ina. Maya-maya pa ay inabutan niya ito ng Rolex. “Minimithi-mithi ko ‘to pero ‘di ko kayang bilhin,” sabi ng kaniyang nanay.

Sa pagtatapos ng vlog niya ay ibinahagi ni Vice ang kaniyang repleksyon sa gitna ng kinahaharap na pandemya. Aniya, bilang lamang sa daliri ang mga pagkakataon na nakasama niya ang kaniyang pamilya ngayong taon upang maprotektahan na rin ang kanilang inang senior citizen.

Imahe mula sa video ni Vice Ganda via YouTube

“Ang mga pangyayari noong 2020 ang nagpa-realize sa akin na walang kasiguraduhan ang lahat. ‘Di ko alam kung anong mangyayari bukas. ‘Di ko alam kung hanggang saan at kailan aabutin ang hinaharap nating krisis,” sabi ni Vice.

Kaya naman pangako niya raw sa sarili, hangga’t may pagkakataon ay ipadadama niya na sa kaniyang pamilya ang kaniyang pagmamahal.

“‘Di na ako magpapatumpik-tumpik pa. ‘Di na ako manghihinayang. ‘Di ako mag-aalinlangan. Dahil walang kasiguruhan ang panahon. Baka ‘di ko na magawa bukas kaya sisimulan ko nang gawin ngayon at sa araw-araw hanggang may bukas,” pagtatapos niya.

Panoorin ang kaniyang vlog:

Source :

YouTube

Loading…