WHO Solidarity Trial gagawin sa Pinas para alamin ang pinaka-epektibong COVID-19 vaccine

Imahe mula sa The Economic Times
  • Magsasagawa ng Solidarity Trial ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas ang WHO
  • Layunin nito na alamin kung alin ang pinaka-epektibong COVID-19 vaccine para gamitin sa publiko
  • Kailangan ng 15,000 volunteers para sa Solidarity Trial na gagawin sa Metro Manila
  • Babayaran ng WHO ang volunteers na may mararamdamang negatibong epekto sa bakuna

Naghahanap ang pamahalaan ng 15,000 volunteers para sa isasagawang Solidarity Trial ng World Health Organization (WHO) sa layuning malaman kung alin ang pinaka-epektibong COVID-19 vaccine para sa publiko.

Imahe mula sa WHO

Ayon kay Jaime Montoya, ang executive director ng Philippine Council for Health Research and Development sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST), gagamit ang WHO ng bakuna na dumaan na sa phase 1 at phase 2 ng clinical trials sa ibang bansa.

Hindi pa umano nakakapili ang WHO kung anong brand ng bakuna ang gagamitin, subalit sinabi ng DOST official na posible raw na gamitin ang mga nabigyan na ng emergency use authorization.

Ang Solidarity Trial ay gagawin sa Metro Manila sa huling bahagi ng Enero o sa pagsisimula ng Pebrero. Ang mga volunteers ay dapat may edad 18 hanggang 59, katulad ng age bracket sa mass vaccination program ng pamahalaan.

Bagama’t malayong mangyari na magkaroon ng negatibong epekto, sinabi ni  Montoya na ang mga volunteers ay makatatanggap ng kompensasyon sakaling sila ay makaranas ng hindi magandang epekto mula sa ginamit na bakuna.

Imahe mula sa PNA

“Kung may mangyari, minor or major, ito ay sasagutin ng WHO…tutulungan ng WHO. Merong inalaang pondo para magamit sa mga volunteer. Pero kailangan maipaliwanag sa mga magvo-volunteer sa Solidarity Trial ang detalye ng bakuna,” wika ni Montoya.

Ang recruitment at registration ng mga lalahok ay sa mga barangay kung saan gagawin ang Solidarity Trial.

Ipinaliwanag ni Montoya na kailangan ang maraming volunteers upang makakuha ng maraming datos bago aprubahan ang COVID-19 vaccine.

Imahe mula sa WHO

Loading…