Willie nagpaliwanag, nag-sorry sa hindi pagharap sa mga taong pumila sa harap ng studio

Screenshot mula sa Twitter video ni Jervis Manahan/GMA News
  • Nagpaliwanag na si Willie Revillame sa hindi niya pagharap sa kaniyang mga fans sa harap ng studio
  • Humingi rin siya ng paumanhin dahil pinagbawalan daw talaga siyang bumaba
  • Nangako naman ang ‘Wowowin’ host na gagawa siya ng malaking programa kapag tapos na ang pandemya

Humingi ng paumanhin at nagpaliwanag si Willie Revillame matapos hindi harapin ang mga taong pumila sa harap ng kaniyang studio nitong Miyerkules hanggang madaling-araw kinabukasan.

Ayon sa ‘Wowowin’ host, may nagpakalat ng maling impormasyon tungkol sa diumano’y pamimigay niya ng pera bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaniyang ika-60 kaarawan noong Enero 27.

Screenshot mula sa GMA News video

Paliwanag ni Kuya Wil, nagpaalala na raw siya sa kaniyang programa na bawal pumunta sa harap ng Wil Tower dahil sa ipinatutupad na health protocol. Ganunpaman, nagdagsaan pa rin ang mga umaasang makahihingi ng tulong sa kaniya dahil sa kumalat na ‘fake news’ sa social media.

“Humihingi ako ng kapatawaran, pasensya sa inyo, sa pag-unawa dahil alam n’yo naman po na kailangang sumunod tayo sa batas, ‘yung social distancing,” ani Willie sa Wowowin nitong Huwebes.

Kahit daw gusto niyang bumaba at mabati ng kaniyang mga fans at tagasuporta, hindi raw talaga puwede ito dahil pinigilan siya.

“I’m sorry dahil pinigilan po ako ng mga pulis dahil baka may mangyari pang hindi maganda, so iniwasan na po ‘yan,” dagdag pan ng comedian-host.

Screenshot mula sa Twitter video ni Jervis Manahan/ABS-CBN News

Dose-dosenang fans ni Kuya Wil ang nag-umpukan at pumila sa harap ng Wil Tower sa Eugenio Lopez Drive nitong Miyerkules hanggang madaling-araw ng Huwebes matapos mabasa ang pekeng anunsiyo sa social media.

Dahil dito, humingi na si Willie ng saklolo sa pamahalaang-lungsod ng Quezon City at mga opisyal ng barangay dahil hindi na nasunod ang social distancing habang ang iba naman ay walang suot na face mask at face shield.

Kaya labis ang paghingi ng sorry ni Kuya Wil sa mga nagpunta subalit nabigo siyang makita.

“Sa mga nanay, lola, o kaya mga binata, mga dalaga, may mga anak pang sanggol at meron pang mga kariton… Pasensya na kayo, hindi ito ang panahon… Hindi ko ipinagdadamot ang oras na puwede ko kayong makasama’t mayakap,” wika ni Kuya Wil.

Screenshot mula sa Twitter video ni Jervis Manahan/ABS-CBN News

Nangako naman ang ‘Wowowin host’ na kapag natapos na ang pandemya ay gagawa ulit siya ng programa para magkita-kita silang muli sa mas malaking venue tulad ng MOA Arena, Araneta Coliseum o kaya ay sa Luneta.

Nagpasalamat din siya sa QC government na nag-asikaso sa mga taong nag-umpukan para ipatupad ang health and safety protocol.

BASAHIN: QC magsasagawa ng contact tracing sa mga taong pumila sa harap ng studio ni Willie

Sinabi naman ni QC Mayor Joy Belmonte na inatasan na niya ang kaniyang mga tauhan para magsagawa ng contact tracing sa mga taong pumila sa harap ng studio upang matunton at ma-test ang mga ito.

Loading…