Wow mali? Commuters, pati MMDA nalito sa maling signboard sa EDSA Busway

Screenshot mula sa Teleradyo
  • Nagdulot ng kalituhan sa mga commuters at pedestrian ang maling signboard sa isang bahagi ng EDSA Busway
  • Nakalagay kasi rito ay ‘Main Avenue’ sa halip na ‘Quezon Avenue’ na siya talagang tama
  • Maging ang MMDA ay nagulat at kaagad itong ipinatanggal upang mapalitan ng tamang karatula

Nagdulot ng kalituhan sa mga commuters ang maling signage na nakalagay sa isang bahagi ng EDSA Busway na kitang-kitang ng mga nagdaraang tao at sasakyan.

Nakalagay dito ay ‘MAIN AVENUE’ subalit ang lugar ay talagang Quezon Avenue kaya marami ang nagtataka at napaisip kung sila ba ay nasa tamang hintayan o napalampas lamang.

Maling ‘Main Avenue’| Screenshot mula sa Teleradyo

Hindi mo rin kasi aakalain na mali ang signboard dahil malaki ito at kaparehas ang kulay at lettering ng mga nakalagay na permanent signages sa kahabaan ng EDSA busway.

Ang layon pa naman ng mga signages ay upang matulungan ang mga commuters na malaman ang direksiyon at kung saan na sila nakarating.

Base sa ulat ng Teleradyo, ang totoong Main Avenue ay halos apat na kilometro pa ang layo at nakalagay naman dun ang tamang signboard.

Tamang ‘Main Avenue’| Screenshot mula sa Teleradyo

Maging ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nagulat din at nalito sa maling sign board.

Paliwanag naman ni MMDA Spokesperson Celine Pialago, na agad pinapuntahan sa kaniyang mga tauhan ang lugar, ang partner-sponsor ng ahensiya ang gumawa at naglagay ng mali at nakalilitong karatula.

Nitong Martes naman ay naipatanggal na rin ang naturang signboard at inaasahang mapapalitan na ito ng tamang karatula anumang araw mula ngayon.

Loading…