Yorme sinopla ang nagsasabing hindi na kailangan ng FDA approval para gumamit ng COVID-19 vaccine

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno Domagoso
  • Hindi kumporme si Mayor Isko sa mga nagsasabing puwedeng magpaturok ng COVID-19 vaccine kahit wala pang approval ng FDA
  • Sinabi ni Yorme na walang sinuman ang dapat magsasabi na hindi kailangan ang FDA approval bago magpainiksyon ng COVID-19 vaccine
  • Binanggit ng alkalde ang EO No. 121 ni Pres. Duterte na nagbibigay ng kapangyarihan sa FDA na mag-isyu ng emergency use authorization para sa COVID-19 vaccines

Kontrobersyal na isyu ngayon ang pagpapabakuna ng ilang mamamayan, mambabatas at maging ng ilang miyembro ng Presidential Security Group kontra sa COVID-19 gayong wala pa namang inaaprubahang COVID-19 vaccine ang Food and Drug Administration (FDA).

Imahe mula sa Pixabay

Hindi sang-ayon si Manila Mayor Isko Moreno sa mga nagsabi na magpapainiksyon sila ng COVID-19 vaccine kahit hindi pa iyon aprubado ng FDA dahil nakasalalay daw doon ang kanilang kaligtasan.

Sa isang panayam, sinabi ni Yorme na may batas na dapat sundin hinggil sa pagpapabakuna kontra sa COVID-19. Wala rin daw dapat sinumang magsasabi na hindi na kailangan ang FDA approval.

“Walang presidente, walang mayor, walang senador na magsasabi na hindi puwede mag-FDA. Hindi po, may batas po,” aniya.

Binanggit niya ang Executive Order No. 121 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbibigay ng kapangyarihan sa Director General ng FDA na mag-isyu ng Emergency Use Authorization para sa paggamit ng COVID-19 vaccines.

Screenshot mula sa GMA video

Walang binanggit na pangalan si Mayor Isko kung sino ang nagsabi na hindi na kailangan ng FDA approval para mabakunahan, subalit matatandaang naglabas kamakailan lang ng pahayag si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na handa siyang magpabakuna, may FDA approval man o wala.

“FDA-approved o hindi, buhay ko ito, wala akong pakialam diyan sa FDA kung i-approve nila o hindi ‘yan basta buhay ko nakasalalay, I have to decide for my own life,” sabi ni Sen. Dela Rosa.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

Ang pahayag ng senador ay bilang pagbibigay ng suporta sa ilang miyembro ng PSG na nagpaturok ng COVID-19 vaccine na hindi pa aprubado ng FDA.

 

Loading…