6 sa bagong kaso ng UK variant tukoy na ng DOH; 1 konektado sa MRT cluster

Imahe mula sa PNA
  • Tukoy na ng DOH ang 6 na bagong kaso ng UK variant sa bansa
  • Isa rito umano ay konektado sa MRT cluster
  • Sa kabuuan, mayroon nang 44 kumpirmadong kaso ng UK variant sa Pilipinas

Natukoy na ng Department of Health (DOH) ang anim sa 19 na bagong kaso ng UK COVID variant sa bansa at isa rito ay konektado umano sa cluster ng MRT depot na napaulat kamakailan.

Kung matatandaan, nakapagtala ng 42 na kaso ng COVID-19 ang MRT depot sa Quezon City sa huling linggo ng Enero, kabilang na ang anim na trabahador ng maintenance provider na Sumitomo–Mitsubishi Heavy Industries.

Disinfection ng MRT3 train| Imahe mula sa Coconuts

Ayon kay Health Undersecretary Rosario Vergeire, isa sa anim na natukoy nila ay ang 46-anyos na babae mula sa Pasay City na ang anak ay dating nagtatrabao sa MRT.

“Connected po siya doon sa cluster ng MRT cases natin kasi ang anak niya was from the MRT, nagtatrabaho doon,” bahagi ng opisyal.

Nagpositibo sa UK variant ang naturang babae noong Enero 25 at kasalukuyang naka-home quarantine ngayon.

Maliban dito, tukoy na rin ang isang 20-anyos na babae na taga-Mountain  Province na dating napabilang sa kaso sa NCR at isa pang 25-anyos na babae mula Dasmariñas, Cavite.

Imahe mula sa PCOO

Ang tatlo pang natukoy ng DOH ay 47-anyos na babae na taga-Las Piñas at nanggaling sa Morocco; isang 37-anyos na lalaking residente ng Bukidnon, at nag-training sa Maynila kamakailan; at 49-anyos na lalaki mula sa Rizal province na inaalam pa kung nanggaling sa ibang bansa.

Sa kabuuan, mayroon nang 44 kumpirmadong kaso ng mas nakahahawang UK variant o B117 variant sa bansa at 19 dito ay noong nakaraang linggo lang naitala ng DOH.

Sa kabila nito, iginiit ng ahensiya na wala pang sapat na katibayan para sabihing nagkaroon na ng community transmission ng bagong variant ng COVID.

Loading…