60-day price freeze sa karne ng baboy, manok ipinatupad sa NCR kahit tutol ang mga negosyante

Screenshot mula sa SMNI video
  • Pinirmahan ni Pang. Duterte ang EO No. 124 na nagtatakda ng limitasyon sa presyo ng karne ng baboy at manok sa NCR
  • P270 per kilo sa kasim at pigue, P300 per kilo sa liempo at P160 per kilo sa dressed chicken ang price ceiling na ipinatutupad sa ilalim ng EO 124
  • Sinabi ng isang grupo ng pork producers na hindi kakayanin ang presyong P270 hanggang P300 na isinusulong ng pamahalaan kaya malulugi lang ang mga magbababoy

Sa pamamagitan ng isang executive order (EO) ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang implementasyon ng price freeze sa karne ng baboy at manok  sa National Capital Region (NCR) na tatagal ng 60 days. Ito ay sa kabila ng pagtutol ng mga negosyante dahil sa pinangangambahang pagkalugi.

Imahe mula sa PCOO

Sa ilalim ng EO Number 124, na nagtatakda ng price ceiling o limitasyon kung hanggang magkano lang ang presyo ng isang bilihin, ang presyo ng kasim at pigue ay hanggang P270 kada kilo, P300 naman sa kada kilo ng liempo at P160 per kilo ng dressed chicken.

Mananatili ang mga presyong nabanggit sa loob ng animnapung araw maliban na lang kung palalawigin ito ng Pangulo sakaling irekomenda iyon ng Department of Agriculture (DA).

Ang price freeze ay nauna nang inirekomenda ng DA dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng karne ng baboy sanhi ng epekto ng African swine fever at dahil na rin sa diumano ay ginagawang manipulasyon ng ilang mga negosyante sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

May babala naman ang Palasyo sa mga hindi susunod sa EO 124.

“’Yung mga hindi po susunod, meron pong mga ipapataw na parusa kasama po ang pagsasarado ng kanilang mga puwesto. So, kung gusto n’yo pong manatiling mag-negosyo na nagbebenta ng baboy at ng manok, sumunod po tayo sa price ceiling,” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Screenshot mula sa GMA video

Bago pa man napirmahan ng Presidente ang EO No. 124 ay nagpahayag na ng pagtutol ang ilang grupo ng mga magbababoy sa price freeze.

“Kapag ito ay ipinatupad, wala nang darating na baboy sa Luzon mula sa Visayas at Mindanao dahil malulugi ang mga traders at matatakot ang mga retailers na magbenta kung hindi susunod sa price ceiling. Kapag sumunod naman ay siguradong lugi sila,” mariing pahayag ni Nicanor Briones, ang vice president for Luzon ng Pork Producers Federation of the Philippines.

Imahe mula sa ProPork

Aniya, hindi kakayanin ang presyong P270 hanggang P300 na isinusulong ng pamahalaan kaya malulugi lang ang mga magbababoy.

Source :

PNA, Philstar

Loading…