African migrants nagtago sa ilalim ng mga mapanganib na basura para makatawid patungong Europe

Screenshot mula sa GMA video
  • Ilang African migrants nadiskubreng nagtatago sa ilalim ng mga mapanganib na basura upang makatawid patungong Europe
  • Umabot sa 41 African migrants ang na-rescue sa pantalan ng Melilla enclave na target makapuslit patungo sa Spanish mainland
  • Spain ang karaniwang target ng mga African migrants dahil mas tanggap doon ang mga migrante kumpara sa ibang European countries

Na-rescue ng Spanish Police – ang Guardia Civil – ang ilang mga African migrants mula sa Melilla enclave, na teritoryo ng Spain na nasa North African country na Morocco, na nagtatago sa ilalim ng mga mapanganib na basura sa loob ng garbage truck.

Screenshot mula sa GMA video

Ayon sa Guardia Civil, umabot sa 41 African migrants ang na-rescue nito sa pantalan ng Melilla enclave na target makapuslit patungo sa Spanish mainland.

Kabilang sa mga nailigtas na migrante ang isang lalaki na itinago ang sarili sa ilalim ng mga abong nakalalason. Una nang inakala ng Guardia Civil na wala na itong buhay, pero nang mailabas na sa sakong puno ng abo ay nagkamalay ang lalaki.

“The man’s life was saved. He was almost dead. He doesn’t even know where he is, he is frightened when he sees the officer’s knife and the officer has to reassure him and tell him that he is here to help him,” ayon sa tagapagsalita ng Guardia Civil.

Ang iba naman ay sa ilalim ng mga libo-libong basag na bote nagtago.

Kung hindi sila nadiskubre ng mga awtoridad, ang mga migrante ay pitong oras maglalakbay patungo sa Spanish Mainland kung saan ire-recycle ang mga basurang pinagtaguan.

Screenshot mula sa GMA video

Ngayong 2021 ay umabot na sa 1,781 migrants ang nagtungo sa Melilla enclave. Noong nakaraang taon ay 11,669 migrants ang nakita roon.

Ang mga African migrants ay nagtutungo sa Europe dahil sa maraming dahilan. Ang mga kalalakihan ay nagma-migrate doon upang magbakasakaling makasumpong ng magandang buhay, samantalang ang mga kababaihan ay kadalasang umaalis sa kanilang bayan upang takasan ang karahasan.

Spain ang karaniwang target ng mga African migrants dahil mas tanggap nito ang mga migrante kumpara sa ibang European countries. Isa pa, may kakulangan sa mga manggagawa ang Spain lalo na sa sektor ng agrikultura dahil karamihan sa mga Spanish ay ayaw umano ng ganoong trabaho.

Imahe mula sa CBC

Loading…