Aqua Negosyo para sa Pilipino: Sabay na pag-aalaga ng isda at gulay sa Urban Aquaponics

Screenshot mula sa BFAR video
  • Inilunsad ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng BFAR ang Urban Aquaponics
  • Ang Urban Aquaponics ay bahagi ng inilunsad na Aqua Negosyo Para sa Pilipino sa ilalim ng Plant, Plant, Plant Program ng ahensya
  • Ang Urban Aquaponics ay isang paraan upang masiguro ang sariwang pagkain ng mga mamamayan sa siyudad at mabigyan sila ng karagdagang pagkakakitaan

Inilunsad ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang Urban Aquaponics bilang isang paraan upang masigurong sariwa ang makakain ng mga mamamayan sa mga siyudad at mabigyan sila ng karagdagang pagkakakitaan lalo na ngayong may pandemya.

Imahe mula sa PIA

Isang solusyon din ang Urban Aquaponics sa kakulangan ng mga espasyong maaaring mapagtataniman o magagamit na fish ponds sa mga siyudad. Ito ay isang makabagong pamamaraan ng pag-aalaga ng isda at gulay sa isang urban setting

Solar-powered din ang sistema upang maging matipid sa kuryente ang operasyon ng mga water pumps nito, pero pwede ring de-kuryente ito. Matipid din ito sa tubig kumpara sa tradisyunal farming dahil paikot-ikot lang ang tubig sa buong sistema. Mayroon itong filter upang hindi kaagad maging maamoy ang tubig.

Ipinaliwanag ni Dr. Joseph Christopher C. Rayos, Senior Aquaculturist ng BFAR Inland Fisheries and Aquaculture Division, na sa pamamagitan ng Urban Aquaponics system ay sabay na maaalagaan ang mga isda at gulay.

Screenshot mula sa BFAR video

Ang mga dumi ng isda ang magsisilbing pataba ng mga gulay. Ang mga gulay na angkop alagaan sa Urban Aquaponic system ay letsugas, petsay o mustasa. Sa mga isda naman ay hito at tilapia.

Available sa dalawang sukat ang Urban Aquaponic. Sa mas malaking sistema ay kasya ang hanggang 500 na isda at 200 piraso ng halaman. Sa mas maliit na sistema ay hanggang 75 na isda at 54 na halaman ang kasya.

Screenshot mula sa BFAR video

Ang kapital na kakailanganin para sa malaking Urban Aquaponics system ay P100,000 hanggang P120,000 samantalang sa mas maliit ay P36,000.

Ang mga interesdado sa Urban Aquaponics ay hinikayat ni Dr. Rayos na makipag-ugnayan sa BFAR.

Panoorin ang BFAR video para sa mas detalyadong impormasyon hinggil sa Urban Aquaponics:

Loading…