Bagong Subic Freeport Expressway bukas na sa mga motorista

Imahe mula kay Sec. Mark Villar
  • Pormal nang binuksan ang bagong Subic Freeport Expressway para sa mga motorista
  • Sinabi ng NLEX Corp. na sampung libong motorista ang makikinabang sa bagong expressway araw-araw
  • Mapabibilis din ang delivery ng mga produkto dahil walang truck ban sa SFEX

Pormal nang binuksan noong Biyernes, ika-19 ng Pebrero, para sa mga motorista ang Subic Freeport Expressway (SFEX) na nagkokonekta sa Subic Bay Freeport at sa 94 kilometrong Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX).

Imahe mula sa SBMA

Sa pamamagitan ng isang inaugural drive ay pinasinayaan ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pangunguna ni Secretary Mark Villar at mga opisyal ng North Luzon Expressway Corporation ang bagong expressway na nagkahalaga ng P1.6 billlion.

“This fresh Metro Pacific Tollways infrastructure investment will improve mobility, accelerate the country’s economic recovery and more importantly, support the logistics and supply chain we urgently need. Around 10,000 motorists daily will benefit from this new road,” pahayag ni DPWH Sec. Mark Villar.

Ikokonekta ng SFEX ang Bataan, Zambales, Pampanga at iba pang probinsya sa Central Luzon sa pamamagitan ng SCTEX.

Ayon sa NLEX Corporation, bukod sa sampung libong motorista na makikinabang sa bagong expressway araw-araw, mapapabilis din umano ang delivery ng mga produkto dahil walang truck ban sa SFEX.

Screenshot mula sa NLEX Corp. video

Ipinagmalaki ni NLEX Corp. President Luigi L. Bautista na sa kabila ng mga hamon na dala ng pandemya ayt ng mahigpit na health protocols ay naging tuluy-tuloy ang konstruksyon ng SFEX. Aniya, ang konstruksyon ng proyekto ay nakapagbigay ng mga trabaho at sumuporta sa kabuhayan ng maraming mamamayan.

“It was also our way of helping our countrymen manage the economic impact of the health crisis,” wika ni Bautista.

Screenshot mula sa NLEX Corp. video

Sinabi naman ni Wilma Eisma, ang chairman at administrator ng Subic Bay Metropolitan Authority, na malaking tulong ang SFEX upang sumigla ang investment at lumakas ang turismo sa Subic Freeport sa kapakinabangan ng libo-libong locators at business owners.

Loading…