Bilang ng bagong COVID cases sa buong mundo bumaba ng 16% nitong nagdaang linggo – WHO

Imahe mula sa DCNepal
  • Patuloy na bumababa ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa buong mundo
  • Ayon sa WHO, bumaba ito ng 16% nitong nagdaang linggo kumpara sa mga nakaraan
  • Bumaba na rin ang bilang ng mga nasawi dahil sa sakit

Bumaba ng 16 porsiyento at naging 2.7 milyon na lamang ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa buong mundo nitong nagdaang linggo base sa pinakahuling update ng World Health Organization (WHO).

Ayon rin sa epidemiological update ng WHO noong Martes, Pebrero 16, bumaba rin ang bilang ng mga nasawi ng 10 porsiyento na umabot lang sa 81,000 week-on-week.

Screenshot mula sa SCMP

Sa kasalukuyan, nananatili pa ring pinakamarami ang kaso ng COVID sa Estados Unidos na mayroong 27,753,959. Sinusundan ito ng India (10,925,710), Brazil (9,921,981), United Kingdom (4,070,332) at Russia (4,053,535).

Sa Pilipinas, umabot na sa 552,246 ang tinamaan ng COVID; 28,926 dito ay nananatiling active cases; 511,796 ang gumaling; at 11,524 ang nasawi hanggang nitong Pebrero 16.

Sa kabuuan, pumalo na sa mahigit 109.2 milyon ang kaso ng COVID-19 sa buong mundo, na mayroong mahigit 2.4 milyong nasawi at mahigit 67.7 milyon ang nakarekober sa sakit.

Imahe mula sa LA Times

Paliwanag ni WHO director general Tedros Adhanom Ghebreyesus, ito na umano ang ikalimang linggo kung kailan patuloy na bumaba ang bilang ng kaso ng maysakit at kung saan halos kalahati na lamang ito kumpara sa mahigit 5 milyon noong Enero 4.

“This shows that simple public health measures work, even in the presence of variants,” ani Ghebreyesus.

“What matters now is how we respond to this trend. The fire is not out, but we have reduced its size. If we stop fighting it on any front, it will come roaring back,” wika pa ng opisyal ng WHO.

Samantala, na-detect naman ang mas nakahahawang UK variant sa 94 na bansa, kumpara sa 86 na bansa lamang noong nakaraang linggo, habang ang local transmission naman nito ay naiulat sa 47 na bansa.

Imahe mula sa DOH

Ang South African variant ay naiulat na rin sa 46 na bansa mula sa dating 44; at 12 na bansa rito ay mayroong local transmission.

Para naman sa Brazilian variant, ito ay nai-report na rin sa 12 bansa mula sa dating anim lamang; habang 2 sa mga bansang ito ay mayroon nang local transmission.

Dito naman sa Pilipinas, nananatiling 44 ang bilang ng UK variant subalit iginiit ng Department of Health (DOH) na wala pang sapat na katibayan para sabihing nagkaroon na ng local transmission nito sa bansa.

Loading…